top of page
Search
BULGAR

Mga opisyal at empleyado ng gobyerno, hindi dapat exempted sa COVID testing at quarantine!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 10, 2021



Nakakaalarma ang pagpayag ng IATF na ‘wag nang dumaan pa sa COVID testing at quarantine ang mga empleyado ng gobyerno na kailangang bumiyahe sa iba’t ibang lugar sa bansa para sa opisyal na gawain. Nakakaloka ‘yan, ha?


Hindi magandang halimbawa para sa mamamayan na halos isang taon ng matiyagang sumusunod sa mga itinakdang health protocols. Bakit sa isang iglap lang, may mga exempted na? At mga taong gobyerno pa!


Hindi natin maisip kung ano ang malaking kadahilanan kung bakit dapat may exemptions sa swab test at quarantine. Immune ba sila sa virus? Paano pala kung may carrier na walang sintomas at nahawaan ang mga residente ng lugar na kanilang pinuntahan?


Hindi nga ba at mas mabilis daw makahawa ang bagong variant ng COVID-19, bukod sa more deadly w ito? Ano ang logic sa pagbigay ng exemption kahit na sabihing para mapabilis ang pagtupad nila sa tungkulin, kung ang resulta naman nito ay lalong dumami ang mga kaso ng impeksiyon?


Huwag naman sanang ganyan. Marami na ang nagsakripisyo sa mga community quarantine, maraming kumpanyang nagsara at manggagawang nawalan ng trabaho, na tila masasayang lang sa kaunting pagluluwag para sa iilan.


May “double standard” ba sa implementasyon ng COVID testing at quarantine? ‘Wag masyadong kampante, porke may mga bakuna nang paparating, please naman. Masyadong mapangahas at delikado ang exemption na ‘yan!


Maaari rin sabihing special treatment ‘yan para sa mga empleyado ng gobyerno, na minsan nagiging mitsa pa ng pagkapamahak. Tiyak din na magpapahirap sa mga LGU na makontrol ang pagkalat ng impeksiyon at sa pagpapasunod sa mga nasasakupan kasi may nakitaan ng espesyal na trato!


IMEESolusyon d’yan, eh, ang ating IATF, kailangan din magpahinga. Mag-recharge, ‘ika nga, para makapag-isip-isip ng maayos. Naniniwala tayong ang desisyon na ‘yan ay bunsod siguro ng sangkaterbang pressure na mahigit isang taon na din nilang dala-dala.

Mabuti sana kung hindi sila papalagan ng mga taga-LGU. Hirap na rin ang ating mga lokal na opiayal, ‘wag na sana nating dagdagan sila ng alalahanin na puwede naman maiwasan. Keri natin umisip ng iba pang paraan!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page