Mga operator, tiyaking malinis kontra droga ang mga driver
- BULGAR
- 1 day ago
- 1 min read
by Info @Editorial | Apr. 21, 2025

Tulad ng mga nagdaang Semana Santa, may mga tsuper na namang nabuking na gumagamit ng ilegal na droga.
Kaugnay nito, naglabas ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa bus operators ng nagpositibong driver sa drug test na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang galugarin ang mga bus terminals sa ilalim ng “Oplan: Harabas”.
Sa kabuuang 3,270 driver na nasuri, 84 public utility vehicle (PUV) drivers at dalawang konduktor ang nagpositibo sa droga.
Sa mga nasuring indibidwal na nag-positive sa drugs, 13 ay bus drivers, isang mini-bus driver, 19 jeepney drivers, 47 tricycle drivers, isang taxi driver, dalawang motorcycle taxi riders, at 11 UV Express drivers. Dalawang konduktor din ang nasuring positibo sa paggamit ng droga.
Ang kaligtasan ng mga pasahero ay nakasalalay hindi lamang sa mga hakbang ng gobyerno kundi pati na rin sa responsibilidad ng bawat isa.
Ang mga drayber ay may tungkuling tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero, at ang paggamit ng droga ay isang paglabag sa layuning ito.
Ang mga operator naman ay may responsibilidad na tiyakin na ang kanilang mga drayber ay may malinis na rekord at hindi gumagamit ng droga.
Samantala, ang gobyerno ay may tungkuling magpatupad ng mga batas at regulasyon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Sa pagtutulungan ng lahat, matutugunan natin ang isyung ito at matitiyak ang kaligtasan ng bawat isa sa kalsada.
Comments