ni Jasmin Joy Evangelista | September 6, 2021
Hinikayat ng Philippine Overseas Employment Administration ang mga OFW na minamaltrato ng kanilang mga employer na agad magsumbong sa kanila sa pamamagitan ng isang mobile app.
Ayon sa POEA, maaaring i-download nang libre ang Abizo OFW App.
Ito ay isang Global Monitoring System na idinisenyo para sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Kaya nitong ma-track ang lahat ng OFW na gumagamit ng app kabilang na ang kanilang deployment location, employer at working condition.
Maaari ring magpadala rito ng emergency alert, incident report at iba pa na makakatulong sa kanilang monitoring.
Kamakailan, ipinresinta ng ahensya ang kauna-unahang Pinoy na kanilang napauwi sa tulong ng nasabing app.
Siya ay si Almedo Lopez, 59-anyos at namasukan bilang Supervisor sa isang manufacturing company sa Fiji Islands.
Bukod umano sa verbal abuse at harassment, nalabag din ang kanyang kontrata dahil sa pagbibigay sa kanya ng mga gawain na hindi pasok sa kanyang pinirmahan.
Agad nagsumbong si Lopez sa pamamagitan ng app at sa loob lamang ng siyam na araw ay lumabas na ang kanyang repatriation notice at nasagip sa kanyang employer.
Samantala, nabanggit din ng POEA na nasa 13,000 OFW ang kanilang mino-monitor sa ngayon mula sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Comments