top of page
Search
BULGAR

Mga negosyante, maging patas sana sa presyo ng mga pang-Noche Buena

ni Ryan Sison @Boses | Dec. 23, 2024



Boses by Ryan Sison

Siguradong maraming kababayan natin ang abala na sa pamimili sa mga grocery at palengke, subalit may halong pag-aalala rin dahil maaaring ang presyo ng mga bibilhin nilang pagkain ay nagtaasan na. 


Kaya naman nanawagan si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Department of Trade and Industry (DTI) na tiyaking walang mang-aabuso ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan, partikular na ang pagtataas ng presyo ng mga produkto na pang-Noche Buena.


Sinabi ni Pimentel na hindi dapat samantalahin ng mga negosyante ang ganitong okasyon para lamang magtaas ng presyo ng mga produkto tulad ng keso, macaroni, spaghetti sauce, fruit cocktail, all-purpose cream, hamon, at marami pang iba. 


Ayon sa kanya, ang Pasko ay panahon ng pagmamahalan at pagbibigayan, at hindi tama na gamitin ang pagkakataong ito para magsamantala. 


Binigyang-diin niya na mahalagang mapanatili ang patas na presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na para sa ating mga mahihirap na kababayan. 


Dapat aniyang mahigpit ang monitoring ng DTI upang ang mga kumpanyang sangkot sa price manipulation ay kanilang maaksyunan. Habang wala din dapat makalusot na mga tindahang nagtatago ng stocks o kaya naman ay naniningil ng sobra para lamang kumita.


Mabuting bantayan nga nang maigi ng kinauukulan ang mga presyo ng mga pagkain, lalo na ang mga Noche Buena items sa mga pamilihan para walang mangyaring pang-aabuso sa ating mga kababayan. 


Kailangan din sigurong sundin ng mga tindero ang suggested retail price na itinatakda ng DTI at mga batas sa proteksyon ng konsyumer para hindi naman sila magkaproblema. 


Sa ating mga kababayan, maganda ring isumbong natin sa kinauukulan ang mga negosyanteng nagawang magtaas ng presyo ng mga naturang produkto upang agad matigil ang hindi tamang gawain.


Hiling lang natin sa mga kababayang negosyante na maging patas at makatarungan sana sa presyo ng mga ibinebentang pagkain at iba pang produkto. Isipin na lang sana na kahit maliit lamang ang kita basta tama at maayos ay malaking tulong na ito sa ating kapwa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page