top of page
Search

Mga nawasak na tirahan dahil sa bagyo, may cash assistance

ni Ryan Sison @Boses | Oct. 27, 2024



Boses by Ryan Sison

Matapos na wasakin ng nagdaang bagyo ang napakaraming bahay at tirahan, tiyak na panibagong suliranin ang iisipin ng marami nating kababayan.


Kaya naman ipinag-utos na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa kanilang key shelter agencies (KSAs) na magpatupad ng moratorium sa housing amortization para maibsan ang pinansyal na pasanin ng kanilang mga miyembro na apektado ng Bagyong Kristine.


Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, ang naturang hakbang ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng ahensya ng gobyerno na magbigay ng anumang assistance sa mga biktima ng bagyo.


Ibinaba ni Acuzar ang nasabing kautusan sa Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund, National Housing Authority, Social Housing Finance Corp., at National Home Mortgage Finance Corp. 


Pahayag ng opisyal na ang pagdedeklara ng moratorium ay magbibigay ng tulong sa mga biktima ng bagyo na mayroong amortisasyon sa mga naturang pabahay na ahensya.


Aniya, maliit na bagay lamang ito kumpara sa sakripisyo at kawalan ng mga kababayang naging biktima ng bagyo, na kahit papaano ay maibsan ang kanilang mga pangamba. 


Sinabi pa ni Acuzar na nakikipagtulungan na rin sila sa mga local government unit (LGU) na apektado ng bagyo para sa mabilis na pagproseso ng mga pamilyang maaaring maging kuwalipikado sa Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP) ng kagawaran.


Sa ilalim ng IDSAP, ang DHSUD ay magbibigay ng P30,000 bilang unconditional cash assistance sa mga totally damaged o wasak na wasak na tirahan, at P10,000 naman sa mga partially damaged o bahagyang nasirang bahay.


Sa ganang akin ay tama ang gagawing tulong na ito ng kinauukulan para sa ating mga kababayan.


Sila ang labis na naapektuhan ng bagyo dahil sa nawalan na nga ng kabuhayan, nasira pa ang kanilang mga tirahan na matagal nilang pinagsikapang ipinundar.


Kaya mabuting stop muna ang pagbabayad ng kanilang mga pabahay habang may inilaan pang assistance ang gobyerno para sa kanila.


Sa ganitong paraan ay mapapawi ang kanilang hirap na nararamdaman at bigat na pinapasan habang magagawa naman nilang ibangon ang sarili mula sa matinding dagok na nangyari.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page