top of page
Search
BULGAR

Mga nanloloko habang may pandemya, makonsensiya naman kayo!

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 4, 2021


Sa gitna ng pandemya, talagang hindi pa rin nauubos ang mga masasamang-loob, lalo na ang mga scammer.


Matatandaang kamakailan ay naiulat na dumoble ang bilang ng mga naitalang online scam dahil dumami rin ang nakikipagtransaksiyon online sa gitna ng community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.


Kaugnay nito, timbog ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Action Unit ang isang scammer na kinokopya ang account ng online jewelry seller para masalisihan ang mga bayad ng customer.


Ang siste, kinopya ng suspek ang detalye ng tunay na account ng seller pati ang mga paninda nito. Kapag may um-order na kostumer sa kanyang account, ibinibigay niya ang bank account ng legitimate jewelry online seller at ‘pag nakapagbayad na ang kostumer, palalabasin ng suspek na siya ang nagpadala ng pera at ipade-deliver na niya ang alahas sa kanyang bahay, habang ang original buyer ay walang matatanggap na alahas.


Dahil dito, payo ng NBI sa publiko, siguraduhing lehitimong seller ang kausap, lalo na kung malaking halaga ang binibiling produkto.


Nakadidismaya dahil kahit paulit-ulit ang babala at paalala, talagang ayaw patinag ng iba.


‘Yung tipong gumagamit pa ng ibang tao na naghahanapbuhay nang maayos. Ang masaklap, sila pa ang nasisira sa ibang tao. Tsk!


Utang na loob, makonsensiya naman kayo. Kung gusto ninyong magkapera, magtrabaho kayo nang patas.


Kaya panawagan sa mga awtoridad, paigtingin ang paghanap, paghuli at pagpaparusa sa mga masasamang-loob na ito. Hangga’t hindi sila nauubos, hindi matitigil ang ganitong modus.


Hindi lang mga biktima ang kawawa dahil ‘yung mga nadamay lang tulad ng lehitimong seller ay malamang na apektado rin.


At kayong masasamang loob, hintay-hintay lang dahil may kalalagyan din kayo!

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page