ni Justine Daguno - @Life and Style | May 31, 2021
Habang tumatagal, mas tumataas pa ang bilang ng mga tao na nahuhumaling sa teknolohiya, partikular ang kabataan. Marahil, isa na rin sa mga epekto ng pandemya kung saan pinagbabawalan silang lumabas kung hindi importante ang gagawin, kung kaya’t umaasa na lang sa mga ganap gamit ang social media. Pero lahat ng sobra ay hindi maganda, ang madalas na paggamit ng teknolohiya ay maaaring magkaroon ng masamang epekto sa pisikal na aspeto, maging sa lifestyle ng mga ito.
Kaya naman, narito ang ilan sa mga dapat gawin upang matulungan ang kabataan na makontrol ang paggamit ng social media o gadget:
1. MAGING HALIMBAWA. Bago pagsabihan ang mga bata na ‘wag ma-adik sa gadget, siguraduhin munang kontrolado rin ang sarili pagdating sa bagay na ‘to. ‘Ika nga, lahat ng ginagawa ng matanda ay tama sa mata ng bata, kaya maging mabuting halimbawa.
2. BAGUHIN ANG SISTEMA. Kung kinakailangang baguhin ang nakasanayan ay gawin ito. ‘Wag iasa ang lahat ng galaw sa gadget, mas maraming kapaki-pakinabang na bagay o gawain bukod sa paglaan ng buong oras sa social media. Hikayatin silang magbasa ng libro, maglaro ng board games, mag-aral magluto at marami pang iba.
3. ‘WAG ITONG GAWIN ACCESSIBLE. Kailangang magkaroon ng disiplina ang mga kabataan sa paggamit ng teknolohiya. ‘Wag silang i-spoil, maglaan ng tamang panahon kung kailan lamang maaaring gumamit nito. Ipaintindi na hindi sa lahat ng oras ay gadget lamang ang kanilang hawak.
4. TULUNGAN SILANG MAG-EXPLORE. Sa totoo lang, marami talaga tayong puwedeng ma-discover sa pamamagitan ng ‘internet’, pero hindi lamang ito ang bagay na puwedeng pagkunan ng mga bagong ideya. Bagama’t mas accessible nga naman, mas exciting pa rin kapag nag-explore sa ibang bagay. Sikaping magkaroon ng ‘quality time’ kasama sila nang sa gayun ay mas magabayan pa.
Totoo namang malaking bagay ang gadget, lalo pa’t limitado lamang ang mga puwedeng pagkaabalahan sa panahon ngayon pero dapat matutunan ng mga bata na hindi lamang ito ang mga bagay na kanilang magagawa. ‘Wag natin hayaan na tuluyan nila itong gawing mundo dahil may mas makabuluhang buhay pa sa labas ng social media. Gets mo?
Comments