ni Mary Gutierrez Almirañez | March 16, 2021
Nagsimula na ang unang gabi ng unified curfew sa Metro Manila nitong Lunes, Marso 15, ganap na alas-10 nang gabi hanggang alas-5 nang madaling-araw kung saan mahigit 2,192 kapulisan ang ipinakalat upang mapigilan ang mabilis na hawahan ng COVID-19.
Ayon sa Southern Police District (SPD), karamihan sa mga pulis ay nakadestino sa bawat presinto na magsasagawa ng foot patrol, habang pangalawang prayoridad naman nila ang pagbabantay sa mga pangunahing kalsada katulad ng Baclaran sa Parañaque at Pasay, Bonifacio Global City sa Taguig, at Ayala sa Makati kung saan madalas maraming tao tuwing gabi.
Batay sa ulat, umabot sa 150 katao ang nahuling lumabag sa Makati kabilang ang mga tricycle driver, masahista at ilang naghahanapbuhay na pauwi pa lamang sa kanilang tahanan.
Wala namang nahuling nakabukas na establisimyento katulad ng bar o nightclub sa oras ng curfew. “Medyo marami lang nag-relax.
Nasa kalsada sila kahit alam nilang may curfew,” saad pa ni Makati City Chief of Police Col. Harold Depositar. Sa huling tala ay umabot na sa 846 ang aktibong kaso sa lungsod, kung saan 24 katao ang nadagdag na nagpositibo sa COVID-19.
Samantala, tinatayang 100 na curfew violators naman ang nahuli sa Sta. Cruz, Maynila kabilang ang mahigit 68 na menor-de-edad na naabutang naglalaro ng mobile games sa kalsada at karamihan sa kanila ay walang suot na face mask at face shield.
Kaagad silang dinala sa covered court ng Barangay 351. Matapos ang curfew hours ay sinundo na sila ng mga magulang at pinayagan na ring umuwi, ngunit katulad sa ibang curfew violators ay nagkaroon muna ng lecture tungkol sa COVID-19 at pinag-exercise rin sila.
Nagkakahalagang P1,000 ang multa ng mga nahuli. Ayon pa kay Linsday Javier, OIC ng Reception and Action Center ng Manila Department of Social Welfare, dadaan sa counseling ang mga nag-violate na kabataan para malaman kung may pagkukulang ang mga magulang at dapat sampahan ng kaso.
Kaugnay nito, kasalukuyang naka-lockdown ang MPD Station 11 sa Binondo, Maynila matapos magpositibo sa COVID-19 ang 46 police personnel.
Inaasahan ng pamahalaan na sa pagpapatuloy ng unified curfew ay unti-unting mababawasan ang mga violators at ang mga nadaragdag na positibo sa COVID-19. Magtatagal naman nang mahigit dalawang linggo ang ipinatupad na curfew.
Comentários