ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 15, 2020
Magandang balita! Naratipikahan na ang bicameral conference committee report ng panukalang-batas na layong magpapaigting sa pagpapatupad ng Alternative Learning System (ALS) sa bansa. Ibig sabihin, pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang para maging ganap na itong batas.
Ito ay hakbang upang lalo pang maabot ang milyun-milyong Pilipino na hindi nakapagtapos ng pag-aaral, kasama na ang mga ‘out-of-school children in special cases’ — sila ang mga batang nasa tamang gulang para makapag-aral, ngunit hindi makapasok sa mga paaralan dahil sa mga sagabal na dulot ng ekonomiya, kultura at iba pang kadahilanan.
Kabilang dito ang mga mag-aaral na may kapansanan, Indigenous Peoples, ‘yung mga tinaguriang ‘children in conflict with the law’ at iba pang mga kabilang sa tinatawag na marginalized sectors.
Kung ihahambing natin ito sa pormal na sistema ng edukasyon na mayroong nakatakdang oras ng pagtuturo ang mga guro, ang ALS ay may tinatawag na ALS Teachers, Community ALS Implementors at Learning Facilitators na sumasadya sa mga komunidad para magturo lalo na sa mga nakatira sa malalayong lugar, conflict-affected communities at mga komunidad na nasa emergency situations. Magtatatag din ng sariling ALS Community Learning Centers o ALS CLCs ang bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.
Sa pag-aaral ng World Bank, lumalabas na 24 milyong Pilipino na may edad 15 pataas ang hindi nakapagtapos ng high school, habang mahigit dalawang milyong batang may edad lima hanggang 14 ang hindi nag-aaral.
Napakahalaga ng papel ng ALS sa pagbangon ng sektor ng edukasyon lalo na’t malaking pinsala ang naidulot ng pandemya.
Saludo tayo sa mga hindi sinusukuan ang pag-abot sa kanilang pangarap. Mas matimbang ang kanilang determinasyong makapagtapos ng pag-aaral at maiahon sa kahirapan ang sarili at ang pamilya kaysa sumuko at mawalan na lang ng pag-asa. Nitong mga nagdaang taon ay personal nating nasaksihan ang ganitong magandang pananaw, kabilang na sa ating mga kapwa-Valenzuelano.
Kumakayod sila dahil hindi sapat ang kanilang pantustos para sa mga pangunahing pangangailangan ng pamilya, independenteng namumuhay sa murang edad pa lang dahil inabanduna o walang kinikilalang mga magulang na tutulong sa kanila, may sakit ang isang miyembro ng pamilya, nagdadalang tao o may binubuhay na bata, at marami pang iba.
Iisa ang kanilang hangarin—makamit ang edukasyon sa kabila ng iba’t ibang mga hadlang.
Sa pamamagitan ng ALS, mas madali nating maaabot at mabibigyan ng dekalidad na edukasyon ang bawat mamamayang Filipino na napagkaitan ng pagkakataong tapusin ang kanilang pag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments