ni Jasmin Joy Evangelista | February 19, 2022
Kung mananalong pangulo sa May 9 elections, ipag-uutos umano ni Sen. Manny Pacquiao sa kongreso na gumawa ng batas na nagpaparusa sa mga loan sharks na involved sa “5-6” money lending scheme.
Inilarawan ni Pacquiao ang mga pautangan bilang hindi makatao dahil itinutulak pa raw nito ang mga tao na lalong maghirap dahil sa mataas na interes.
“‘Yung 5-6 na nagpapautang, hindi ‘yan makatao. Hindi ‘yan makatarungan. Talagang lalong dinidiin ‘yung mahirap,” ani Pacquiao sa isang interview.
“Pag-aralan nating mabuti kasi hindi naman tayo gagawa ng batas niyan, i-request lang natin sa Congress para gawan natin ng paraan,” dagdag niya.
Bukod sa pagpaparusa sa mga loan sharks, sinabi rin ni Pacquiao na sakaling siya ang maging pangulo ay maglalaan siya ng pondo sa loan para sa mga maliliit nanegosyo na walang interes.
“Ibabalik lang nila puhunan kapag lumago na ‘yung negosyo nila,” aniya pa.
Comentarios