top of page
Search
BULGAR

Mga nagpapanggap na awtoridad para sa pansariling interes, sampolan!

ni Ryan Sison - @Boses | May 25, 2021



Hindi na bago sa atin ang mga insidente ng pagpapanggap na awtoridad para sa pansariling interes.


At kamakailan, isa na namang kababayan natin ang nahuling nagpanggap bilang pulis kung saan dahil sa inuman, huli ang 26-anyos na suspek sa Malabon City.


Base sa ulat ng pulisya, nagpakilala ang suspek na pulis at niyayang mag-inuman ang isang saksi na traffic enforcer. Nang makaubos ng ilang bote ng alak, bandang alas-3:00 ng madaling-araw, naglakad ang suspek at kasama nito upang maghanap ng iba pang venue para ituloy ang inuman kung saan nakasalubong ng mga ito ang isa pang saksi na barangay kagawad.


Ipinakilala naman ng mga ito ang suspek sa isang patrolman na nakatalaga sa Police Community Affairs and Development Group (PCADG) sa Camp Crame.


Muling nagpakilala ang suspek bilang miyembro ng PNP sa arresting officer, pero sa isinagawang beripikasyon sa Personnel Accounting and Information System (PAIS) sa Camp Crame, nadiskubreng nagpapanggap ang suspek at wala ito sa rooster ng PNP.


Nahaharap sa kasong usurpation of authority or official functions sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code ang suspek.


Bagama’t hindi ito ang unang pagkakataong may nagpanggap na pulis, nakadidismaya dahil naulit na naman. Para bang wala nang kadala-dala ang ilan nating kababayan at patuloy sa ganitong gawain para sa sariling kapakanan.


Kaya panawagan sa mga kinauukulan, tiyaking daraan sa beripikasyon ang sinumang magpapakilala na pulis. Kahit sa totoo lang ay dagdag-trabaho ito, mas mabuti nang mabusisi kaysa naman makalusot ang mga pasaway nating kababayan. Kapag may lumabag, parusahan agad para hindi pamarisan.


At kayo namang walang magawa kundi tutukan ang pansariling interes, tigilan ninyong mandamay ng iba nating kababayan.


Napakarami nang dapat tutukan ng ating kapulisan, kaya plis lang, ‘wag na kayong dumagdag sa mga problema.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page