top of page
Search

Mga nagbenta ng ‘election victory’, nasampulan

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Feb. 12, 2025



Boses by Ryan Sison


Para sa lahat ng mga kandidato, isa lang ang kanilang pinakaaasam-asam na makuha at ito ay ang manalo at maupo sa posisyon.


Dahil diyan, may mga indibidwal naman na nakakaisip na manloko sa kanila, kung saan nag-aalok ang mga ito ng panalo sa eleksyon at pagkatapos ay hihingan ng malaking halaga. 


Ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), tatlong suspek na nasasabing sila ay mga IT specialist na konektado raw sa Commission on Elections (Comelec) ang inaresto sa Marikina City dahil sa umano’y pagbebenta ng “election victory” sa mga kandidato kapalit ng pera.


Saad ng CIDG, nakatanggap sila ng report mula sa isang kandidato sa pagka-mayor at isang kandidato sa pagka-vice mayor sa Cagayan.


Ayon sa mga naturang kandidato, inalok sila ng mga suspek at pagkatapos ay humingi na ang mga ito ng P90 milyong halaga kapalit ng kanilang pagkapanalo. 


Agad namang nagkasa ng entrapment operation ang mga otoridad laban sa mga suspek. Nakipagkita ang isa sa mga kandidato sa mga suspek sa isang mall sa Marikina para ibigay ang kanilang bayad at doon na inaresto ang tatlong suspek ng pulisya.


Narekober sa mga suspek ang isang brown envelope na naglalaman ng P1K, boodle money, ID, cellphones, at sasakyan. 


Batay pa sa CIDG, nahaharap ang tatlong suspek sa kasong robbery with intimidation, violence/robbery extortion, paglabag sa Revised Penal Code kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012 at Omnibus Election Code of the Philippines. 


Mabuti at mabilis na umaksyon ang mga otoridad kaya agad ding nahuli ang mga scammer na ito dahil kung hindi ay napakalaking halaga ang muntik nang makulimbat sa mga nasabing kandidato.


Ang huhusay naman kasi ng mga kawatan ngayon, na ang iba sa kanila ay mga IT expert pa, kaya kung hindi malawak ang ating kaalaman sa mundo ng digital ay siguradong tayo ay mai-scam.


Paalala lang sa mga kandidato, huwag sanang magpadala sa bugso ng damdamin na papatulan ang mga ganitong transaksyon para lamang manalo sa eleksyon. 


Kung tunay ang inyong hangarin na magserbisyo para sa inyong nasasakupan at tapat na maglilingkod ay tiyak namang wagi rin kayo sa kanila.


Gayundin, maging matalino sana habang huwag magpabudol o magpaloko sa mga masasamang-loob. Alalahanin sana lagi na umaasa ang mga mamamayan sa maayos na pamamahala ng mga lider kaya nararapat lamang na kayo ay maging mahusay at malawak ang karunungan. 


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

コメント


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page