by Info @Editorial | September 10, 2024
Matapos ang mahigit dalawang linggong pag-okupa at paghalughog ng Philippine National Police (PNP) sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City, nilisan na rin ito ng libu-libong pulis.Ito ay kasunod ng pagsuko ni Pastor Apollo Quiboloy at apat na kapwa akusado na sina Ingrid Canada, Enteng Canada, Sylvia Cemanes, at Jackielyn Roy.
Nasaksihan ng publiko ang mga kaganapan sa 16 na araw na isinagawang ‘Oplan Quiboloy’ sa KOJC compound. Tulad ng sinabi ng isang mambabatas, kawawa ang parehong panig ng mga pulis at miyembro ng KOJC.
Walang maayos na tulog at kain ang kapulisan. Hindi na magawa ng mga pamilya na nasa compound ang kanilang mga gawain at apektado rin ang mga estudyante. Kaya ngayong hawak na ng mga otoridad si Quiboloy, umaasa ang lahat na unti-unti nang maibabalik sa normal ang pamumuhay ng mga naapektuhan sa operasyon.
Ang anumang naging epekto ng operasyon sa nasabing lugar ay magawan sana ng paraan na maisaayos agad.
Masasabing masalimuot ang usapin at kasong ito, mahabang panahon pang iimbestigahan at pag-uusapan. Gayunman, umaasa tayo na magawa ito sa mapayapa at makatarungang paraan. Hindi na sana maulit ang gulo at ‘wag nang malagay sa alanganin ang buhay ng sino man.
Maunawaan sana ng lahat na ang makatarungan at pantay-pantay na sistema ng pamahalaan at batas ay isang pangunahing elemento sa pagtataguyod ng kapayapaan.
Comments