top of page
Search
BULGAR

Mga motorista, umaaray sa naglalahong load at wa’ ‘wentang minimum load value ng RFID!

ni Grace Poe - @Poesible | November 9, 2020



Magandang araw, mga bes! Kumusta kayo at ang inyong pamilya? Sana ay ligtas at nasa mabuting kalagayan at kalusugan ang lahat.


Noong isang linggo, sinalanta ng Bagyong Rolly ang ating bansa at winasak ang maraming lugar sa Bicol, partikular na sa Albay at Catanduanes. Hanggang ngayon, wala pa ring kuryente ang maraming lugar at may mga ulat na Disyembre pa ito maibabalik. Marami sa mga apektado ang muling nagtatayo ng kanilang bahay o nagkukumpuni ng mga bubong at dingding. Dagdag-pahirap pa sa ilang bayan ang baha na may putik mula sa Bulkang Mayon.


Bukod sa ayuda mula sa pamahalaan, marami sa ating mga kababayan ang nagsasagawa ng kani-kanilang relief operations para tulungan ang ating mga kababayan. Kahanga-hanga ang espiritu ng bayanihan ng mga Pilipino sa panahon ng kalamidad. Kahit may pandemya at lahat ay nakararanas ng paghihirap, nananaig pa rin ang kagandahang-loob at malasakit para sa mga nangangailangan.


Ipagpatuloy natin ang pagtulong. Ibabalik ng Diyos ang pagpapalang ito sa ibang paraan.


***


Samantala, ibang pahirap naman ang kinahaharap ng mga kababayan nating nagbibiyahe papunta at palabas ng Metro Manila dahil sa implementasyon ng mandatoryong paggamit ng RFID sa ating expressways. Bukod sa mahabang pila na sumasayang ng malaking oras para sa rehistrasyon nito, marami sa ating mga kababayan ang umaaray dahil sa di-umano’y naglalahong load at sa pagkakaroon ng minimum na load value na hindi mapakikinabangan.


Sa panahong gasgas na, kung hindi man butas, ang bulsa ng ating mga kababayan, huwag na sanang gumawa ng mga imposisyon na babawas pa sa perang puwede sanang hawak nila. Halimbawa, kailangang may minimum na 100 load sa RFID ang mga sasakyang papasok sa Cavitex. Kung galing ang motorista sa Roxas Boulevard at papasok sa Cavitex at ang load niya ay P99 na lang, kailangan pang mag-load bago makapasok kahit P25 lang naman ang toll fee. Sa ibang tao, maliit na bagay lamang ito, pero sa mga naghahanapbuhay na bawat piso ay binibilang, dagdag-pabigat ito.


Kailangan ring tingnan ang mga ulat ng nawawala o nagkukulang na load dahil pera ng mga kababayan natin ang pinag-uusapan natin dito. Kung dati ay load sa cellphone lang ang inirereklamo ng mga tao, marami tayong nababasa sa social media na nagsasabing nauubos agad ang kanilang ikinarga.


Suportado natin ang Department of Transportation sa kanilang direktiba para sa contactless transactions sa ating mga expressway. Gayunman, kailangang suriin ng pamahalaan ang kabuuang sistema nito. Kailangang busisiin ang pagpasok at paglabas ng bayad sa dulo ng proseso para matiyak ang integridad nito.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page