ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 11, 2024
Nakamamanghang umabot sa mahigit kalahating milyong motorista ang naaresto ng operatiba ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa paulit-ulit na traffic violations sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Tila hindi natuto ang kabuuang 529,578 motorista na humaharap sa mga traffic violations ng nagdaang taong 2023.
Nakatutuwa ring malaman na lalo pang pag-iigtingin ng operatiba ang implementasyon ng “no registration, no travel policy” upang tuluyan nang matiklo ang halos 24.7 milyong motor vehicles na may mga delingkwenteng rehistro sa buong bansa.
Ipinahayag ng LTO na ang kanilang massive operations ay nagsimula na noong unang linggo mismo ng buwang ito.
Hindi naman inilabas ng LTO ang eksaktong bilang ng bawat klase ng violation, subalit binanggit nito na may 193 behikulo sa may kabuuang bilang na 314 ang hindi pumasa sa isinagawang emission test ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong nakalipas na buwan ng Agosto 2023 lamang. At ito ay nangangahulugan ng 61 percent failure rate kung susumahin.
Samantala, noong nakalipas namang Setyembre may mga recorded incident naman ng behikulo na hinuli dahil sa maruming usok mula sa tambutso na lubhang nakaaapekto sa kalidad ng hangin sa Metro Manila.
Sa datos ng LTO, karamihan umanong motorista na naaresto ay lumabag sa Clean Air Act o ang Republic Act 8749, Seatbelt Law Act o RA 8750 at overloading.
Napag-alaman na may 23,615 motor vehicles ang naka-impound sa LTO at ang datos na ito ay mas mataas ng 47% kumpara noong taong 2022.
Ang pamunuan ng LTO ay nagbigay ng maigting na kautusan sa lahat ng Regional Directors na ipagpatuloy ang visibility ng LTO traffic enforcers sa mga lansangan upang mahuli ang mga pasaway na motorista na naglipana sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa kautusan pa ng pamunuan ng LTO, naniniwala ito na ang mismong presensya ng uniformed personnel sa mga kalsada ay humihimok sa mga motorista na obserbahan at tuparin at pairalin ang disiplina sa kalsada.
Kaugnay nito, nanawagan ang LTO chief sa mga may ari ng behikulo na sumunod sa mga tuntunin at regulasyon para hindi na maparusahan alinsunod sa ipinaiiral na batas-trapiko.
Naniniwala naman ako na magiging maayos ang trapiko sa bansa kung magtutulungan ang mga operatiba sa kalsada gayundin ang mga motorista.
Sa mga motorista na nakumpiska ang mga lisensya makaraang mahuli sila sa mga kaso hinggil sa trapiko ay inamin naman ng LTO na masusi nilang pinag-aaralan ang proseso at pagpapatupad ng temporary operator’s permit (TOP) o ang mga tiket na inisyu sa mga motorista makaraang kumpiskahin ang kanilang mga driver’s license dahil sa paglabag sa batas trapiko.
Nais ng LTO na mapadali ang proseso ng TOP at magkasundo kaugnay ng Joint Administrative Order No. 2014-01 o ang revised schedule of fines and penalties para sa mga traffic violators.
Siniguro naman ng LTO na nire-review na nila ito nang sa gayon ay tama lang ang trato sa mga motorista kung kaya’t sa oras na maipatupad ito ay agad silang magbibigay ng mga pagbabago para ora mismo ay matapos na ang problema sa TOP.
Samantala, ang 1-RIDER naman ay inungkat sa Kongreso ang ilang isyu kaugnay sa implementasyon ng TOP.
Noong nakalipas na taon ay matatandaang inilunsad ang electronic TOP na layuning maisagawa ang advance digitalization at masugpo ang korupsiyon. Sa nabanggit na digitalization, lahat ng mahuhuli sa paglabag ng batas-trapiko ay awtomatikong papasok sa LTO online database at hindi na ito magiging manual TOP.
Sa oras na ito ay maisyu, ang TOP ay valid lamang sa loob ng 72 hours at sa loob ng oras na ito ay inaasahang maaayos ng mga violator ang violation ticket.
Ang mga implementasyon na ito ng LTO ay malaki ang posibilidad na mabawasan ang mga motorista na lumalabag sa batas-trapiko.
Gayundin, ang makabagong sistema ng LTO hinggil sa TOP ay senyales na dire-diretso na ang progreso sa kalsada sa buong bansa sa dahilang magiging disiplinado na ang mga motorista.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Komentar