ni Ryan Sison @Boses | Mar. 24, 2025

Hindi pa man pumapasok ang buwan ng paggunita sa Mahal na Araw ay matinding penitensya na ang inaabot ng mga motoristang dumaraan sa North Luzon Expressway (NLEX).
Nasira kasi ang tulay ng Marilao Interchange sa Bulacan matapos bumangga ang malaking truck sa istraktura nitong Miyerkules nang umaga.
Batay sa ulat, lumalabas na 4.9 metro ang taas ng truck habang 4.25 metro lamang ang vertical clearance ng tulay. Nagresulta tuloy ito ng pagtigil ng trapiko sa lugar kung saan dalawang lane lamang ang nagagamit ng mga motorista sa northbound lane.
Subalit ayon sa NLEX Corporation, inaasahan nilang matatapos ang pagsasaayos sa Marilao Interchange Bridge sa susunod na linggo o hanggang katapusan ng Marso.
Sinabi naman ni NLEX Traffic Management Head Robin Ignacio na halos kalalagay lang ng shoring o ang pagkakabit ng vertical steel support sa mga section sa ilalim ng
Interchange nitong Biyernes nang gabi, Marso 21, dahilan para mabuksan naman ang tatlong lanes upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa lugar.
Binuksan din ang zipper lane sa mga motorista sa southbound lane ng expressway. Asahan naman anila, na magpapatuloy ang mga isinasagawang repairs sa bahaging ito ng naturang expressway kung saan hinihintay nila ang fabrication beam na ipapalit sa nawasak na bahagi ng toll gate.
Tiniyak din ng pamunuan ng NLEX na tuluy-tuloy sila sa pagsasaayos nito hanggang sa umabot sa kanilang target na matapos sa Marso 31.
Marahil, dapat na maghanap na muna ng alternatibong ruta ang mga motorista at iwasan na dumaan sa naturang lugar.
Kung ayaw nating uminit ang ulo at maperhuwisyo dahil sa matinding trapik mas mabuting tayo na ang mag-isip ng diskarte na puwedeng daanan kung pagtungo man tayo sa norte.
Sa kinauukulan, bilis-bilisan naman ang pagsasaayos ng tulay na iyan at huwag sanang paabutin ng Mahal na Araw, dahil siguradong dagsa ang mga uuwi sa kani-kanilang probinsya kaya lalong problema kapag hindi ito natapos sa tamang oras.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments