top of page
Search
BULGAR

Mga momshie, read n’yo ‘to! Tips para maunawaan ang mga anak na teenager

ni Mharose Almirañez | May 12, 2022





Handa ka na bang maging magulang? ‘Yan ang kauna-unahang tanong na dapat isaalang-alang ng bawat isa bago pasukin ang panibagong chapter ng buhay.


Hindi madali ang magpalaki ng anak kaya siguraduhing physically, mentally, spiritually and financially ready ka upang matiyak na masusubaybayan mong maigi ang kanyang paglaki.


Hindi sapat na may pera ka para masabing mapapalaki mo siya nang maayos, sapagkat hindi lamang pera o materyal na bagay ang kailangan ng isang anak mula sa kanyang mga magulang — kailangan din nila ang iyong oras, pang-unawa, pag-aaruga, pagsuporta at pagmamahal.


Kung hindi ‘yan naibigay sa ‘yo ng mga magulang mo noon, ikaw na ang mag-break ng cycle. Huwag kang pumayag na maranasan din ng anak mo mula sa iyo ang ‘improper parenting’ na naranasan mo mula sa iyong mga magulang noon.


Iba’t iba man ang paraan ng pagpapalaki ng bawat magulang sa kani-kanilang anak, sana ay huwag kang tumulad sa iba na hindi napaghandaan ang pagpapamilya kaya sa huli’y mga anak ang nag-suffer.


Ayaw mo naman siguro lumaking rebelde, pariwara at disgrasyada ang iyong anak, ‘di ba? So, beshie, narito ang ilang paraan para lubos mong maunawaan ang iyong nagdadalaga’t nagbibinatang mga anak:


1. GUSTO NA NILA NG PRIVACY. ‘Yung tipong, magkukulong lang sila sa kuwarto habang nagmumuni-muni at inaabala ang sarili sa iba’t ibang bagay. Ultimo cellphone at laptop nila ay mayroong password. Naka-customize na rin ang mga post nila sa social media at naka-hide ‘yun sa mga kamag-anak.


2. GUSTO NA NILA NG FREEDOM. Kumbaga, ayaw na nilang bine-baby pa sila. Gusto na nilang magkaroon ng kalayaan sa pagpili ng mga damit na susuotin, school na papasukan at course na gustong i-take. ‘Yung feeling nila, ready na silang maging independent at hindi lamang puro household chores ang kaya nilang gawin sa buhay. Ayaw na nilang tinatanong sila kung sinu-sino ang kasamang gumala at kung saan sila pumunta. Sa madaling salita, ayaw na nilang kinokontrol sila.


3. NAGSISIMULA NA SILANG MAGKA-CRUSH. Ang mga kabataan ngayon ay mas mapusok kumpara noon, kaya huwag ka nang magtaka kung madalas toyoin ang dalagita mong anak, dahil malamang, hindi na naman ‘yan nakasilay kay crush. Napakasarap isipin kung nagkukuwento sa magulang ang anak tungkol sa kanyang crush. ‘Yung tipong, para lamang silang mag-best friend, kaso, hindi lahat ng anak ay super close sa magulang.


4. HINDI NA SILA SHOWY. Nagbago man ang physical appearance at attitude ng anak mo, siya pa rin ‘yung sanggol na inalagaan mo noon. Deep inside ay hinahanap-hanap pa rin niya ang iyong pag-aaruga. Ikaw pa rin ang gusto niyang takbuhan sa tuwing nadadapa, kaso nga lang ay nahihiya na siya.


5. MAS SENSITIVE NA SILA. Akala mo lang, wala silang pakialam sa nangyayari sa loob ng bahay, pero sila ang pinakanaaapektuhan sa tuwing nag-aaway ang parents nila. Nagsisimula na rin silang mag-overthink. ‘Yun bang mapagsabihan mo lang sila ay nagiging maramdamin na sila agad.


6. PALIHIM NILANG NA-A-APPRECIATE ANG QUALITY TIME. Akala mo ba puro friends lang ang gustong makasama ng teenagers? Siyempre, gusto pa rin nila ng quality time with their parents. Hindi man sila kasing expressive ng feelings nila before, paniguradong naa-appreciate pa rin nila ‘yung mga oras na magkakasama kayo, lalo na tuwing birthday niya, graduation day, PTA meeting, Pasko, Bagong Taon o mapa-simpleng family dinner.


Bilang magulang, marapat lamang maunawaan mo ang bawat pagbabago sa ‘yong anak dahil hindi sila habambuhay na bata. Darating sa punto na matututo silang umibig at gumawa ng mga desisyon.


Hindi man niya maiparamdam sa ‘yo araw-araw kung gaano siya ka-thankful na ikaw ang magulang niya, bagkus ay manatili ka pa ring nakaalalay at nakasuporta sa kanya, sapagkat sa huli ay pamilya pa rin ang magtutulungan. Gets mo?

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page