top of page
Search

Mga menor-de-edad, sagipin sa paggawa ng krimen

BULGAR

by Info @Editorial | Feb. 6, 2025



Editorial

Talamak na naman ang paggamit sa mga menor-de-edad sa iba’t ibang krimen, mula sa pagnanakaw, pagtutulak ng ilegal na droga hanggang sa pagpatay. 


Hindi nila naiintindihan ang kabigatan ng kanilang mga aksyon, at higit sa lahat, hindi nila kasalanan na sila’y dinadala sa maling landas. Marami sa mga kabataang napapasok sa krimen ay hindi galing sa mga pamilya na may sapat na suporta. 


Sa halip na matutunan nila ang tamang halaga ng buhay at responsibilidad, sila ay nagiging kasangkapan ng mga mapagsamantalang indibidwal o grupo na nais gamitin ang kanilang pagiging menor-de-edad upang makaiwas sa mga parusa ng batas. 


Sa kabila ng lahat ng ito, may magagawa tayo bilang isang lipunan. Kailangang palakasin ang mga programang magbibigay ng pagkakataon sa mga kabataan na makalabas sa krimen at magtagumpay sa kanilang buhay. 


Maglaan ng mas maraming resources para sa edukasyon, training at mga alternatibong programa na magbibigay ng tamang suporta upang hindi sila maligaw ng landas.


Mahalaga ang pagpapalakas ng mga batas na magbibigay ng proteksyon sa mga menor-de-edad laban sa mga nagsasamantala sa kanila.  


Ang bawat isa sa atin, mula sa pamilya hanggang sa buong komunidad ay may bahagi sa pagpapaunlad at pangangalaga sa mga kabataan. Sila ang ating kinabukasan, at ang kanilang buhay ay may halaga. 

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page