ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Pebrero 28, 2024
Nakalulungkot na may humigit-kumulang na 10 porsyento sa ating populasyon ang tinatamaan ng nakapanghihinang sakit na dementia o pagkawala ng alaala o memorya ng isang tao.
Mabigat na pagsubok para sa isang pamilya ang pagdapo ng sakit na iyan para sa isang mahal sa buhay.
Nananawagan ito ng buong pagtutulungan ng isang tahanan para maayos na maalagaan at mairaos ang bawat araw at sandali kasama ang isang tinamaan ng dementia.
Sa pagkawala ng alaala ng isang tao, nawawalan din siya ng kakayanan para kumilos ng naaayon o tama at nalalagay sa alanganin ang kanyang dating normal na pananalita at gawain. Kahit ang mga dating nakagawian niya bilang maayos na nahubog ng lipunan ay nawawala na ng unti-unti hanggang sa kalaunan ay hindi na talaga niya alam ang kanyang ginagawa.
Sa gitna ng panaka-nakang nagsusulputang inihahaing lehislasyon para mas higit na mapagtuunan ng pansin ang pag-aalaga at pagmamalasakit sa ating mga kababayang may dementia at kanilang pamilya, nananatiling kulang na kulang ang pag-alalay na iginagawad ng ating lipunan para sa kanila.
Nananawagan tayo ng mahigpit sa Kongreso na magpasa na ng isang napapanahong lehislasyon na magbibigay proteksyon at pagmamalasakit para sa mga may dementia at kanilang pamilya, na aagapay upang magbuklod sa ating mga komunidad para sa isang makataong pangangalaga sa mga nawalan na o unti-unting nawawalan ng alaala.
Sa tumataas na bilang ng mga tinatamaan nito sa ating bansa, hindi na dapat magpatumpik- tumpik pa ang pamahalaan para pangunahan ang mas higit na atensyon dito.
Marami rin sa ating mga kababayan ang hindi nakakaunawa sa epekto ng sakit na ito at malungkot na may mga napapabayaan o nalalapastangang may dementia na walang kalaban- laban o hindi na kayang tulungan ang mga sarili sa kanilang abang kalagayan.
Higit na konsiderasyon at mas matayog na malasakit at suporta ang panawagan ng maraming pamilyang nag-aalaga ng mahal sa buhay na may dementia. May mga hindi na makapagtrabaho sa pamilya para maalalayan lamang ang maysakit nilang mahal sa buhay.
Ang pagkawala ng alaala ay nangangahulugan kalaunan ng unti-unti ring panghihina ng katawan, at sa buong pagdaraanang ito ng buong pamilya ng maysakit ay isang pagpapasan ng krus ang katumbas.
Kaya sa labang ito, hindi dapat iwanang nag-iisa ang mga dinapuan ng sakit na ito. Kailangan nila ng malalim na pagmamahal at pagmamalasakit. Hindi sila dapat ituring na bilang lamang na nadaragdagan, kundi buhay na mahalaga na dapat pakamahalin. Huwag nating hintayin na sarili nating pamilya ang dapuan nito bago natin mapagtanto ang higpit ng tulong na kailangan nila.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments