ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 7, 2024
Dear Chief Acosta,
Kami ng aking nobyo na parehong Katoliko ay nag-aayos ng mga requirement para sa aming nalalapit na pagpapakasal. Maliban dito ay sinasama rin namin sa plano kung sino ang magkakasal sa amin dito sa ating bansa. Maaari bang malaman kung sa batas ba natin ay may nakasaad na kung sino ang may awtoridad na mag-officiate ng isang kasal? Salamat sa inyong kasagutan. - Janneth
Dear Janneth,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Artikulo 7 ng Executive Order No. 209 o mas kilala sa tawag na “Family Code of the Philippines,” kung saan nakasaad na:
Art. 7. Marriage may be solemnized by:
Any incumbent member of the judiciary within the court’s jurisdiction;
Any priest, rabbi, imam, or minister of any church or religious sect duly authorized by his church or religious sect and registered with the civil registrar general, acting within the limits of the written authority granted by his church or religious sect and provided that at least one of the contracting parties belongs to the solemnizing officer's church or religious sect;
Any ship captain or airplane chief only in the case mentioned in Article 31;
Any military commander of a unit to which a chaplain is assigned, in the absence of the latter, during a military operation, likewise only in the cases mentioned in Article 32;
Any consul-general, consul or vice-consul in the case provided in Article 10.”
Sa nasabing probisyon ng batas, inilista ang mga tao na maaaring mag-solemnize o magsagawa ng kasal at ang mga ito ay: a.) isang kasalukuyang miyembro ng Hudikatura sa loob ng lugar na nasasakupan ng kanyang korte; b.) ang mga pari, rabbi, imam, o ministro ng kahit anong simbahan o religious sect na binigyang awtoridad ng kanilang kinabibilangan na simbahan o religious sect at rehistrado sa civil registrar general, ngunit kinakailangan na ang kanilang aksyon ay nasasakop sa isang written authority na ipinagkaloob ng kanilang simbahan o religious sect at ang isa sa mga magpapakasal ay kasapi ng relihiyon nila; c.) ang ship captain or airplane chief, sa sitwasyon na ang isa o parehong partido sa kasal ay nag-aagaw-buhay (point of death); d.) military commander sa loob ng lugar na nasa ilalim ng military operation kapag wala ang nakatalagang chaplain at ang isa o parehong partido sa kasal ay nag-aagaw-buhay (point of death); at e.) sinumang consul-general, consul or vice-consul kapag ang kasal ay gaganapin sa ibang bansa. Kung kaya, ang mga nasabing tao ang mga itinalaga ng batas na may awtoridad lamang upang mag-officiate ng isang kasal sa ilalim ng mga kondisyong inilahad din sa batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments