ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 12, 2024
Para sa mga manggagawang tapat, buhos magsilbi at mapagmalasakit sa kapwa, tunay na napakahirap ang maging ordinaryong kawani o lingkod ng pamahalaan. Lalo na ang mga humaharap araw-araw sa taumbayan para tugunan ang kanilang mga idinudulog, ang mga nagpoproseso ng tulong sa mga departamento at ahensyang laging nilalapitan ng mamamayan, ang mga kailangang iukol ang kanilang pahingang araw para tumulong pa rin sa mga nangangailangan.
Dahil laging pagod sa bawat araw ng trabaho sa gobyerno, may ilan sa kanila na parang nauupos na kandila na dinapuan na ng samu’t saring karamdaman bago pa man umabot sa edad na sisenta o 60. Sinisikap pa ring pumasok sa opisina kahit ramdam na nila ang pisikal at mental na panlulupaypay.
Sila ang nananawagan na ipasa na ng Senado, ang pagpapababa sa optional retirement age na 56 mula sa kasalukuyang 60 para sa mga empleyado ng gobyerno. Hindi dahil sa gusto lamang nilang magliwaliw na lamang, kundi dahil sa kailangan na nilang ipahinga ang kanilang nasagad na sa trabahong pangangatawan at isipan sa paglilingkod ng puspusan sa pamahalaan ng maraming taon. Alam nilang nasa dapit-hapon na sila ng kanilang buhay.
Hindi dapat mag-alala ang pamahalaan na dadagsa ang mga maagang magreretiro sa sandaling pumasa ang panukalang batas na ito, sapagkat ang karamihan ay gugustuhin pang patuloy na magtrabaho upang patuloy ding makatanggap ng suweldo pati bonus at allowance kaysa pagkasyahin ang hindi pa kalakihan at wala pa sa maximum o pinakamataas na maaaring matanggap na pensyon.
Gugustuhin pa ng karamihang magtrabaho para mas tumaas ang pensyon na maaari nilang matanggap sa mas mahabang panahon ng pagsisilbi sa pamahalaan. Bihira lamang ang wala namang sakit o kaya pang magtrabaho ang pipiliing magretiro ng maaga at magtiis sa pensyong puwede pa nilang pataasin.
Nag-head count o survey man lamang ba ang mga nag-aalala sa magiging epekto ng panukalang batas na ito sa tinatawag na “actuarial life” ng social insurance fund ng Government Service Insurance System kung ilan nga ba ang magbabalak na magretiro sa edad na 56 hanggang 59 kapag pumasa ang panukalang batas?
Ang pag-aalala na ‘yan ay maaari ring lusawin ng Kongreso sa pamamagitan ng paglalaan ng karampatang pondo kapag kinakailangan para mas tumatag ang social insurance fund ng mga naglilingkod sa pamahalaan sa pagpasa ng naturang panukala.
Hindi dapat walisin na lamang at itago sa ilalim ng basahan o balewalain ang pagtaghoy at pagmamakaawa ng ilan nating tapat na lingkod ng gobyernong lupaypay na, na bigyan sila ng karapatang maagang makapagretiro at makatanggap ng pensyon sapagkat naibuhos na nila ang kanilang buong lakas at buhay para sa pamahalaan.
Huwag nang hayaang ikamatay na lamang nila ang paghihintay sa kanilang inaasam na kaunting kagaanan sa dapit-hapon ng kanilang buhay at pag-aaruga ng pamahalaan sa gitna ng kanilang maagang panghihina at pagkakasakit hindi pa man sila nakakatuntong sa edad na 60.
Ang nauupos na kandila ng kanilang buhay ay hindi dapat iwan na lamang ng gobyernong kanilang lubos na pinaglingkuran, na lusaw at tuluyang wala nang ilaw.
Umaasa ang mga karapat-dapat na kawani ng gobyerno na ang pagpupunyagi ng ating kapwa kolumnistang si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. para ilaban ang pagpasa ng panukalang batas na ito sa Senado ay makatagpo ng maraming kakampi at magtagumpay upang abutan sila ng buhay at makinabang sa nalalabing panahon ng kanilang buhay.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comentários