ni Lolet Abania | June 11, 2021
Nabakunahan na ang lahat ng 14 mahistrado ng Supreme Court (SC) laban sa COVID-19, ayon kay Chief Justice Alexander Gesmundo ngayong Biyernes.
“All members of the Court have been completely vaccinated. I think all of us have completed the second jab,” ani Gesmundo sa unang press conference niya mula nang maupo sa kanyang judicial post noong Abril.
Ang mga mahistrado ay nasa edad 50 o 60, kung saan prayoridad naman ng gobyerno na mabakunahan ang mga senior citizens at mga indibidwal na may comorbidities.
Matatandaan ding isinama na ng task force against COVID-19 ang mga empleyado ng judiciary sa A4 category matapos ang naging kahilingan ng SC.
“The Supreme Court wanted to ensure that the judiciary will continue to administer justice without sacrificing the health and safety of its personnel,” ani Gesmundo.
Sa datos mula sa COVID-19 Response Team ng SC, nitong June 3, 2021, may kabuuang 1,994 empleyado ng SC, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals, at ang mga trial courts ang tinamaan ng COVID-19 nang magsimula ang pandemya noong nakaraang taon.
Gayunman, sa bilang na 1,994 cases, nasa 1,846 ang nakarekober, 33 ang nasawi, habang 115 ang active cases.
Lumabas din sa datos na sa 1,584 court workers na sumailalim sa quarantine matapos na tamaan ng sakit, 213 ang naospital, 33 ang na-quarantine sa mga COVID-19 facilities, at 972 naman ang home quarantine o nasa isolation.
Comments