ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 4, 2023
Kailangang mapangalagaan ang kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino nasaan man sila sa mundo.
Ito ang ating naging panawagan sa gobyerno sa harap ng patuloy na pagtaas ng tensyon sa pagitan ng Israel-Hamas, at ang posibleng epekto nito sa pandaigdigang presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang mga bilihin.
Bukod sa kaligtasan ng mga kababayan natin doon, importante ring maproteksyunan ang kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino laban sa epekto ng mga pandaigdigang krisis. Hindi tayo dapat na nakaantabay lang sa kung ano ang mangyayari dahil apektado ang buhay at ekonomiya natin sa mga nangyayari sa iba’t ibang sulok ng mundo.
Ang World Bank mismo ang nagpaalala na ang nagpapatuloy na gulo sa pagitan ng Israel at Hamas ay maaaring magresulta sa sobrang pagtaas ng presyo ng mahahalagang produkto gaya ng langis at pagkain. Bukod dito, hindi pa rin natatapos ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine. Ang mga pandaigdigang krisis na ito ay may epekto sa kabuhayan ng bawat Pilipino.
Sa mga panahong ito na marami tayong kinakaharap na economic uncertainties, kabilang na ang inflation, kailangan nating kumilos agad sa pamamagitan ng mabilis na paglalatag ng mga hakbang para mapagaan ang dalahin ng ating mga mamamayan.
Kaya binigyang-diin natin na dapat tutukan ng pamahalaan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa ating mga pamilihan at magpatupad ng mga kinakailangang programa para maproteksyunan ang mga mahihirap nating kababayan na higit na nangangailangan.
Kaya ang pakiusap ko sa mga ahensya ng ating pamahalaan, unahin natin ang kapakanan ng mga mahihirap dahil ang bawat minuto at bawat piso ay napakahalaga para sa kanila. Bilang mga lingkod-bayan, wala dapat pinipiling tulungan ang ating gobyerno. Basta gamitin nang maayos at tama ang pondo ng bayan para maiahon ang mga mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.
Umapela tayo sa Department of Social Welfare and Development, sa Department of Trade and Industry, at sa Department of Labor and Employment na palakasin ang kanilang pagsisikap na maayudahan ang mga Pilipino na hindi na mapagkasya ang kanilang kinikita para masuportahan ang kanilang mga pamilya.
Nagpaalala tayo sa DTI na dapat ay nasa unahan sila ng ating pagprotekta sa mga karaniwang mamimili. Kailangan ng agarang interventions para hindi malubhang tumaas ang presyo ng mga bilihin. I-monitor ang mga presyo ng mga produkto at serbisyo at maglatag ng mga hakbang para mapagaan ang epekto nito sa kabuhayan lalo na ng mga ordinaryong Pilipino.
Nagpayo rin tayo sa DSWD na ipagpatuloy at mas palawakin pa ang kanilang mga programa na tumutulong sa mga kuwalipikadong mahihirap na pamilya at biktima ng iba’t ibang krisis na makaraos ang mga ito sa pamamagitan ng agarang tulong pinansyal. Sabi ko nga sa DSWD, nand’yan naman ang pondo at mga programa na aprubado ng Kongreso kaya dapat ay gamitin agad para mapakinabangan nang walang pili ng mga higit na nangangailangan.
Nagpaalala rin tayo sa DOLE na patuloy na alalayan ang mga kababayan nating displaced workers para mabigyan sila ng pansamantalang trabaho.
Maging ang Department of Agriculture ay ating pinakiusapan na magpatupad ng mga hakbang na makatutulong sa ating mga magsasaka na malampasan ang mga krisis na kanilang kinakaharap at higit silang maging produktibo at mapataas ang ani mula sa kanilang mga pananim. Ang sektor ng agrikultura ang isa sa mga pinakaapektado ng inflation. Kung mag-i-invest ang gobyerno sa ating mga magsasaka, makatutulong iyon para makamit natin sa hinaharap ang seguridad sa pagkain dahil importante na may laman ang tiyan ng bawat Pilipino.
Bilang chair ng Senate Committee on Health, binibigyang-diin natin ang importansya ng tama at sapat na nutrisyon. Lahat tayo ay dapat na may tamang nutrisyon para makamit natin ang isang matatag na bansa na may malulusog na mamamayan. Kaya huwag nating hayaan na may magugutom sa ating mga kababayan. Tandaan natin na ang maayos na kalusugan ay katumbas ng maayos na buhay para sa bawat Pilipino.
Sa parte ko bilang inyong Senator Kuya Bong Go, sinuportahan natin ang mga panukalang budget at mga programa para sa 2024 ng DTI, DSWD, DA at Department of Health noong natalakay ito sa budget hearings sa Senado. Ang importante sa akin ay magamit ang pera ng bayan nang wasto at walang nasasayang para makabenepisyo ang taumbayan.
Patuloy rin tayo sa ating misyon na ilapit ang serbisyo at tulong mula sa gobyerno sa iba’t ibang sektor na nahaharap sa krisis at hirap. Kaakibat natin dito ang lokal na pamahalaan lalo na ang mga barangay dahil sila ang may alam sa tunay na sitwasyon sa ibaba.
Sa mga nanalo sa nakaraang barangay and SK elections, ang hamon ko sa inyo ay unahin palagi ang interes at kapakanan ng inyong mga nasasakupan nang may tunay na pagmamahal at malasakit sa kapwa. Always remember that public office is a public trust. Alagaan ninyo ang ibinigay na tiwala ng ating mga kababayan sa inyong lahat.
Ngayong tapos na ang eleksyon, magkaisa tayo para sa ikabubuti ng ating mga komunidad. Sa mga natapos na ang termino, sa mga magsisimula pa lang ang termino, at sa mga patuloy na magsisilbi sa kanilang mga komunidad, salamat po sa inyong dedikasyon sa paglilingkod sa ating bayan.
Bilang inyong senador, magkasama tayo sa iisang hangaring mapabuti ang kalagayan ng ating mga komunidad at maproteksyunan ang kapakanan ng ordinaryong Pilipino laban sa anumang hamon sa loob at labas ng bansa.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Komentáře