top of page
Search
BULGAR

Mga magulang, hustisya ang sigaw sa pagkamatay ng 3 kalalakihan

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 8, 2024



ISSUE #331


Bilang isang magulang, nakakapanikip ng dibdib ang mga kaso na merong kaugnayan sa pamamaslang. Kaya naman, hindi maiwasang kuwestiyunin ang Maykapal kung kailan ba matatapos ang mga krimen?


Bilang isang Punong Manananggol Pambayan at katuwang ng lahat ng mga Manananggol Pambayan sa buong bansa, tungkulin namin na maghatid ng hustisya sa mga inakusahang wala namang kasalanan. Ang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito ay ang People of the Philippines vs. Nicole John Mendoza Din et al. (CA-G.R. CR No. 03922, May 21, 2024) na hinawakan ni Atty. Beverly J. Largosa ng PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit-Cebu City.


Sabay-sabay nating tunghayan kung paanong dinesisyunan ng hukuman ng mga apela ng kasong ito. Sina Marione, Chamel at Nicole John ay naharap sa mga kasong homicide na inihain laban sa kanila sa Regional Trial Court (RTC) ng Catarman, Northern Samar. Sa tatlong magkakahiwalay na paratang, na nai-docket bilang Criminal Case No. C-4408, Criminal Case No. C-4409 at Criminal Case No. C-4410, pinagbintangan sina Marione, Chamel at Nicole John na pumaslang sa tatlong biktima na sina Amber, Mark Anthony at Pedro.


Naganap diumano ang krimen noong Pebrero 2007 sa isang lawa sa Scout City, University of Eastern Philippines, Catarman, Northern Samar. Batay sa mga paratang laban sa kanila, magkakasabwat na sinalakay ng tatlong inakusahan ang bawat biktima gamit ang palu-palo at initsa ang mga nasabing biktima sa tubig na naging sanhi ng pagpanaw ng mga ito.


Si Nicole John ay nanatiling at large, habang sina Chamel at Marione ay binasahan ng sakdal noong Enero 28, 2011, not guilty ang naging pagsamo ng dalawa sa hukuman.


Batay sa bersyon ng panig ng tagausig, hapon noong ika-2 ng Pebrero 2007 ay kumukuha diumano ng mga kahoy sina Elito at Raffy, nang mapansin nila ang limang kalalakihan na sakay ng isang bangka sa gitna ng nabanggit na lawa. Binalaan diumano ni Elito ang mga ito na mag-ingat at baka sila ay malunod.


Makalipas ang ilang saglit ay nakarinig umano si Elito ng paggilas ng tubig. Naisip diumano ni Elito na maaaring merong tumalon sa lawa. Nang marinig ni Elito ang kumosyon, sumilip ito mula sa mga baging at nagulat diumano na tatlo na lamang ang nakita niyang lalaki na sakay ng bangka.


Nakita rin ni Elito na ang isa sa tatlong lalaki ay merong hinahampas sa tubig gamit ang isang palu-palo. Hindi umano ito pinansin ni Elito at ipinagpatuloy lamang ang pagkuha ng mga kahoy. Matapos makalikom ng mga kahoy sina Elito at Raffy ay nagtungo sila sa bahay ng isang nagngangalang Kaloy upang magpahinga. Makalipas ang ilang saglit ay meron diumanong humingi ng saklolo. Meron diumanong nalulunod sa lawa. Agad na nagtungo si Elito sa pinangyarihan ng insidente.


Meron na umanong mga tao na sumubok na sagipin ang mga nalunod. Si Ruben diumano ang sumisid sa lawa at kumuha ng katawan ng mga biktima. Sa kasamaang palad, wala na umanong buhay ang kinilalang sina Amber, Mark Anthony at Pedro, habang nakaligtas naman umano sina Marione, Chamel at Nicole John at dinala sila sa istasyon ng pulis upang magbigay ng kanilang mga salaysay. Matapos nu’n ay agad na pinauwi rin ang tatlo.


Sinuri ni Dr. David ng National Bureau of Investigation (NBI) ang katawan ng mga biktima. Du’n din nakita na merong mga pasa sa anit at pagdurugo sa utak ang biktimang si Pedro bago pa umano ito pumanaw.


Sa pagsusuri naman ni Dr. Bisquera sa katawan ng biktima na si Mark Anthony, du’n nakita na meron umano itong galos sa kaliwang bahagi ng noo, sugat sa mga daliri at pasa sa kaliwang bahagi ng bungo nito. Gayunman, wala umanong namataan na pagdurugo sa biktima.


Ang biktima naman na si Amber ay nagtamo umano ng apat na galos na maaaring nakuha nito mula sa pagkakatama sa isang magaspang na bagay. Meron din umanong apat na pasa sa ulo ang nasabing biktima. Ang pagkamatay ng tatlo ay bunsod diumano sa pagkalunod.  Hindi kumbinsido ang mga magulang ng mga pumanaw na aksidente ang nangyari sa kanilang mga anak. Kung kaya’t sila ay naghain ng reklamo laban kina Marione, Chamel at Nicole John.


Si Chamel lamang ang tumayong testigo para sa depensa. Batay sa bersyon ng depensa, alas-3:30 ng hapon, noong ika-2 ng Pebrero 2007 ay namangka umano sina Marione, Chamel, Nicole John, Amber, Mark Anthony at Pedro sa nabanggit na lawa. Makalipas ang ilang oras, napagpasiyahan umano nila na magpahinga sa paanan ng lawa.


Lumangoy umano sa lawa sina Amber, Mark Anthony at Pedro. Ginamit umano ni Mark Anthony at Pedro ang bangka upang marating sa gitna ng lawa, habang si Amber ay sumunod sa kanila habang lumalangoy.


Narinig na lamang diumano ni Chamel na sumisigaw ng tulong si Amber na kasalukuyan nang nalulunod. Siya umano ay may kalayuan, kaya agad niyang sinigawan sina Mark Anthony at Pedro, na noon ay nasa lawa na, na saklolohan si Amber. Lumangoy na rin umano si Chamel sa lawa at nakita niya na magkakahawak na sina Amber, Mark Anthony at Pedro. Nang hindi na umano matulungan ni Chamel ang tatlo ay bumalik siya sa paanan ng lawa at kinuha ang isang plastik na pandilig at initsa ito kay Mark Anthony upang hawakan nito at makalutang.


Sa puntong iyon diumano ay hindi na nakita ni Chamel sina Amber at Pedro. Panandalian diumano na umalis si Chamel upang humingi ng saklolo. Ang tiyuhin niya umano na si Jesse, na kanyang nakita at hiningian ng saklolo, ang siyang sumubok na sagipin sina Amber, Mark Anthony at Pedro, ngunit tuluyan na umanong nalunod ang tatlo.Matapos ang paglilitis ng RTC, nagbaba ito ng hatol na guilty ang tatlong inakusahan para sa krimeng homicide. Napatunayan diumano ng tagausig ang kanilang kriminal na responsibilidad batay sa circumstantial evidence.


Hindi sila sang-ayon sa naturang desisyon, kaya iniangat nina Marione at Chamel ang kanilang pagsamo na mabaliktad ang hatol ng RTC sa pamamagitan ng apela sa Court of Appeals (CA), Cebu City. Lumipas ang ilang taon, sa tulong at representasyon ng aming opisina, sa katauhan ni Manananggol Pambayan B. J. Largosa, pinakinggan ng CA ang pagsamo nina Marione at Chamel at sila ay ginawaran ng pagpapawalang-sala.Ang krimeng homicide ay tinutukoy sa Artikulo 249 ng ating Revised Penal Code (RPC):


“Article 249. Homicide. - Any person who, not falling within the provisions of Article 246, shall kill another without the attendance of any of the circumstances enumerated in the next preceding article, shall be deemed guilty of homicide and be punished by reclusion temporal.”

Ang mahahalagang elemento ng nasabing krimen ay ang mga sumusunod: (1) Merong tao na pinaslang; (2) Ang inaakusahan ang siyang walang katwiran na pumaslang sa biktima; (3) Merong intensyon na paslangin ng inaakusahan ang biktima; at (4) Ang pamamaslang ay walang alinman sa mga sirkumstansya na nakasaad sa Artikulo 248 ng RPC para sa krimen na murder at hindi napapaloob sa krimen na parricide o infanticide.


Wala umanong direktang ebidensiya sa kasong ito. Kung kaya’t ibinatay ng RTC ang kanilang desisyon sa circumstantial evidence, partikular, na: (1) nakita umano ng saksi ang mga inakusahan na kasama sa lawa ang mga biktima; (2) nakilala umano si Marione na may bitbit ng palu-palo; (3) nakita umano ng saksi na mayroong pinapalo sa lawa; (4) ang nasabing palu-palo ay nai-turn over sa barangay; (5) ang natuklasan sa medico-legal na pagsusuri ay makatwiran umano na tumutukoy na sinalakay ang mga biktima gamit ang naturang palu-palo.


Para sa appellate court, hindi umano sumapat ang circumstantial evidence na inihain ng tagausig upang masabi ng may moral na katiyakan na ginawa ng mga inakusahan ang pamamaslang sa mga biktima at meron silang intensyon na gawin ang naturang krimen.


Ipinaalala ng CA na sa bawat kasong kriminal ay kinakailangan na mapatunayan: (1) ang bawat elemento ng krimen, at (2) na ang inakusahan ang may-akda nito. Bagaman maaari umanong maitaguyod ang pagpapatunay ng krimen at kung sino ang may-akda nito sa pamamagitan ng circumstantial evidence, kinakailangan umano na: (1) merong higit sa isang sirkumstansya; (2) napatunayan ang mga impormasyon kung saan ibinatay ang mga imperensiya; at (3) ang kumbinasyon ng mga sirkumstansya ay nagpapakita ng pagkakasala ng inakusahan nang higit pa sa makatwirang pagdududa. Kinakailangan din umano na ang lahat ng mga sirkumstansya ay nagpapakita ng walang patid na tanikala ng mga pangyayari, hindi magkakasalungat, at sang-ayon sa teorya na may sala ang inakusahan.


Para sa CA, hindi sumapat ang testimonya ni Elito upang patunayan ang pagkakasala ng mga inakusahan. Bagaman nakita umano ni Elito ang limang kalalakihan na nagtungo sa lawa sakay ng bangka, ang paggilas ng tubig na tila merong tumalon sa lawa, at merong pinapalo sa tubig, wala umanong sapat na pagpapatunay na ang tao na nasa bangka ang humahampas sa tao na nasa tubig gamit ang palu-palo.


Napuna rin ng CA na naharangan ang paningin ni Elito ng mga baging, bagay na nagdulot diumano ng pagdududa sa isipan ng appellate court kung ang mga inakusahan nga ang pumaslang sa mga biktima.


Magkaiba rin umano ang konklusyon ng RTC na si Marione ang may hawak ng palu-palo na gumamit nito sa mga biktima sa alegasyon ng Office of the Solicitor General na si Chamel diumano ang may hawak ng naturang palu-palo na humahampas sa tubig sa lawa.


Hindi rin umano naiugnay ang naturang palu-palo sa mismong insidente. Sinabi ng saksi na si Bryan na ibinigay sa kanya ng nagngangalang Marian ang palu-palo at wala ng iba pa.


Hindi umano naipresenta ng tagausig si Marian para tumestigo sa hukuman. Hindi rin ipinaliwanag ng tagausig kung paano narekober ang naturang palu-palo at kung ano ang kinalaman nito sa insidente ng pamamaslang sa mga biktima.


Kung kaya’t hindi umano maaaring isapantaha ng hukuman na ang naturang palu-palo ang ginamit upang paslangin ang mga biktima.


Binigyang halaga rin ng CA ang binanggit umano ni Dr. David na posibilidad na nakuha ng mga biktima ang mga pasa at galos sa ibang paraan. Maaari umano na tumama ang ulo ng mga biktima sa malaking bato noong sila ay sumisid sa ilalim ng lawa. Kung kaya’t maaari umano na aksidente ang dahilan ng kanilang pagpanaw.


Binigyang-diin din ng CA na ang presensya nina Marione, Chamel at Nicole John sa pinangyarihan ng insidente ay hindi umano nangangahulugan na sila ang may-akda ng pagkamatay ng mga biktima.


Sapagkat hindi umano natukoy ng ebidensiya ng tagausig ng may moral na katiyakan ang pagkakasala sa batas ng mga inakusahan, minarapat ng appellate court na baliktarin at isantabi ang naunang desisyon ng RTC at sila ay ipawalang-sala. Ang nasabing Desisyon ng CA ay naging final and executory noong Mayo 21, 2024.


Kahit sinong magulang ay sadyang masasaktan, puso ay madudurog at hindi matatanggap ang hindi inaasahang pagpanaw ng kanilang anak. Hindi natin masisisi ang mga magulang ng mga biktima sa kasong aming ibinahagi.


Sila ay naghain ng kaso sa pagnanais na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kanilang mga mahal na anak. Gayunman, kailangan kilalanin ang ipinalabas na desisyon ng hukuman ng mga apela na naging pinal na.


Dalangin namin para sa kaluluwa ng mga yumaong biktima, ang katahimikan at kapayapaan sa kabilang buhay ay makamit na nila upang ang kanilang mga daing ay magwakas na.


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page