ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Apr. 1, 2025

Nabalitaan natin noong nakaraang linggo na isang Grade 8 student sa isang paaralan sa Parañaque ang nasawi matapos saksakin ng kanyang kamag-aral. Nakakalungkot ang pangyayaring ito at ipinapaabot natin ang ating pakikiramay sa pamilya ng nasawing mag-aaral.
Nakakabahala ang nagaganap na ito lalo na’t noon lamang Pebrero ay napaulat din ang ilang mga insidente ng saksakan na kinasangkutan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Matagal nang problema sa atin ang bullying. Kung babalikan natin ang mga resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018 at 2022, lumalabas na pinakamataas ang mga insidente ng bullying sa ating bansa kung ihahambing sa ibang mga bansang lumahok sa naturang international large-scale assessment.
Nakakaalarma ang mga insidenteng nababalitaan natin dahil tila dumarami ang mga mag-aaral na nasasangkot sa karahasan. Sa pagsugpo ng ganitong mga insidente, mahalaga ang papel ng ating mga magulang upang magabayan ang kanilang mga anak.
Nakasaad sa Juvenile Justice Welfare Act of 2006 (Republic Act No. 9344) na exempt sa criminal liability ang mga kabataang 15 taong gulang pababa. Ngunit kailangang dumaan sa intervention ang isang batang nasangkot sa krimen. Kabilang sa mga
maaaring maging intervention ang counseling, skills training, at patuloy na edukasyon.
Ngayon, ang mag-aaral na nasa Grade 8 na sumaksak sa kanyang kaklase ay isinailalim na sa kustodiya ng Bahay Pag-Asa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nais ko ring bigyang-diin ang mahalagang papel at tungkulin ng ating mga magulang para mapigilan ang pagiging marahas ng ating mga kabataan. Sa ilalim ng Civil Code, maaaring magkaroon ng civil liability o pananagutan ang mga magulang para sa mga pinsalang dulot ng kanilang mga anak. Ito ay kung mapapatunayang naging pabaya sila sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Mahalaga rin ang papel at tungkulin ng ating mga paaralan, kabilang ang mga guro at mga school administrators. Sa ilalim ng Family Code, maaaring magkaroon ng civil liability o pananagutan ang paaralan at mga kawani nito kung mapapatunayang nagpabaya o nagkulang sila sa kanilang tungkulin lalo na’t may otoridad sila sa kanilang mga mag-aaral.
Nais ko ring bigyang-diin ang mahalagang tungkulin ng ating local government units (LGU) upang masugpo ang karahasan sa mga paaralan. Dahil mas nauunawaan ng mga LGU ang sitwasyon ng kanilang mga paaralan sa kanilang nasasakupan, maaari silang magpatupad ng mga hakbang at mga programa para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Tuloy din ang ating panawagan para sa mas matatag na mga programa para sa counseling at mental health. Magagawa natin ito kung epektibo nating maipatutupad ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act na nagmamandato ng pagkakaroon ng school-based mental health program. Layon din ng batas na tiyakin ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng mga eksperto, kabilang ang mga guidance counselor, upang gabayan at pangalagaan ang mental health ng ating mga mag-aaral.
Malaking hamon ang pagsugpo sa karahasan na nangyayari sa loob mismo ng ating mga paaralan, ngunit kung tayo ay magtutulungan — mga magulang, mga guro, at mga komunidad — maitataguyod natin ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments