top of page
Search

Mga magulang at kapatid, out na! MANSION NI COCO, 2 NA LANG SILA NG LOLA NIYA NA NAKATIRA

BULGAR

ni Janiz Navida @Showbiz Special | January 24, 2023


Ang Kapamilya Primetime King na si Coco Martin ang napili as "The Rite One" ng leading pharmaceutical brand ng bansa na RiteMed para maging newest ambassador kapalit ng Movie Queen na si Ms. Susan Roces (RIP).


Sa ginanap na grand launch kahapon ng RiteMed kung saan ipinakita rin ang bagong TV commercial ni Coco, inamin ng aktor-direktor na hindi nga madali ang bagong responsibilidad na iniatang sa kanyang balikat at may pressure talaga ang pagiging 'The Rite One' pero hindi raw 'yun ang iniisip niya kundi ang pagbutihin lang ang bawat trabahong ibinibigay sa kanya.


Sa ilang taon na rin daw na ipinanatili ni Coco sa showbiz industry, ang dami na niyang natutunan mula sa mga beteranong aktor na kanyang nakasama sa iba't ibang proyektong kanyang ginawa lalo na sa Ang Probinsyano.


At kasama nga sa mga natutunan niya ang paghandaan ang kinabukasan at alagaan ang katawan at kalusugan dahil hindi habampanahon ay nasa showbiz siya.


Although mahal na mahal niya ang trabahong ito na nag-angat sa kanyang pamilya sa kahirapan, aminado siyang darating ang panahon na malalaos din ang mga artista kaya talagang pinaghandaan na raw niya ang araw na 'yun.


Inuna raw niyang siguraduhin na may kani-kanyang bahay na ang kanyang mga magulang at mga kapatid bago siya lumagay sa tahimik.


Kaya naitanong namin kay Coco na sa estado niya ngayon na isa sa mga pinakamayayaman na sa showbiz and at his age na 41, hindi pa ba siya tinatanong ng kanyang lola na nagpalaki sa kanya kung natagpuan na ba niya ang 'the right one'?


We're wondering kasi kung saan dadalhin ni Coco ang maraming pera niya kung wala pa siyang sariling pamilya, 'di ba?

In fairness, umamin naman si Coco na natagpuan na raw niya ang 'the right one' bagama't hindi naman niya pinangalanan kung sino ito.


But of course, alam naman ng lahat kung sino ang matagal nang nali-link sa kanya — ang nag-iisang si Julia Montes lang naman, devah?!


Kaya ang sunod naming tanong kay Coco ay kung kelan naman siya handang mag-settle down.


Nagulat kami sa sagot ng aktor-direktor na "Anytime!" sabay pag-aming nagpapagawa na nga raw siya ng bagong bahay para sa kanyang magiging pamilya.


'Yung mansion pala kasi ngayon ni Coco somewhere in QC, dalawa na lang daw sila ng kanyang lola na magkasamang nakatira dahil pinagbukud-bukod na niya ang mga magulang at kapatid.


Na-realize raw kasi niya na kahit nag-effort na siyang pagsama-samahin ang buong pamilya sa malaki niyang bahay, hindi maiiwasang magkaroon ng hindi pagkakasundo, kaya ang ending, naghiwa-hiwalay din ang mga kapatid at magulang niya.


Kaya 'yung mansion ni Coco, baka magamit na lang daw sa mga family affairs nila dahil du'n na nga sa bagong bahay na ipinagagawa niya sila titira ng kanyang magiging pamilya.


Eh, teka, willing ba si Coco na i-share kung kelan naman 'yang "anytime" na sinasabi niyang magpapakasal siya? Siyempre, waiting ang mga fans niya kung kelan nga ba ang "wedding of the year" nila ni Julia, 'no?!


Nakangiti at very honest na sagot ni Coco, "Hindi!" kaya nagkatawanan na lang ang mga kaharap niyang press and reporters.


Well, naiintindihan naman namin ang point ni Coco. Sa sobrang dami na nga namang Marites ngayon sa social media na feeling entitled at akala nila ay may karapatan na sila sa buhay ng mga artista dahil public figure ang mga ito, gusto lang naman daw protektahan ni Coco ang kanyang mga mahal sa buhay kaya mas pinipili niyang maging private ang kanyang love life.


So, 'yun talaga 'yun! Intiendes, mga Marites?!


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page