top of page
Search
BULGAR

Mga magsasaka sinuportahan ang panukala ni Sen. Lapid sa mas matapang na batas laban sa smuggling

ni Chit Luna @Brand Zone | March 2, 2023



Isang malaking grupo ng mga magsasaka ang sumuporta sa panukala ni Sen. Lito Lapid na amyendahan ang kasalukuyang batas laban sa smuggling sa pamamagitan ng pagpapalawak ng sakop nito at pagpapataw ng mas mabigat na parusa.


Ayon sa Philippine Tobacco Growers Association (PTGA), ang Senate Bill 1812 na inakda ni Sen. Lapid ay malaki ang maitutulong sa pagsugpo sa pagpupuslit ng mga produktong agrikultural sa kabila ng malawakang smuggling ng asukal, sibuyas at tabako sa bansa.


Ayon sa datos, ang patuloy na suliranin sa smuggling ay nakaaapekto sa pangkabuhayan ng may 700,000 magsasaka ng asukal, 35,000 nagtatanim ng sibuyas at 462,000 trabahador sa industriya ng tabako sa buong Pilipinas.


Ang PTGA na may 50,000 miyembro ay nanawagan sa Senado na pagtibayin ang panukalang batas ni Sen. Lapid na naglalayong amyendahan ang Republic Act 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.


Sa panukala ni Sen. Lapid, palalawakin ang sakop ng RA 10845 para maisama ang tabako sa pangunahing listahan ng mga produktong agrikultural na nangangailangan ng sapat na proteksyon laban sa smuggling.


Sinabi ni PTGA President Saturnino Distor na ang lahat ng industriya sa agrikultura ay dapat iligtas sa malawakang pagpupuslit ng mga produkto na umaagaw sa pangkabuhayan ng milyun-milyong magsasakang Pilipino at kanilang pamilya.


“Milyong tao ang nakadepende sa industriya ng tabako kasama na ang mga nasa trading, manufacturing at distribution. Naparakaraming magbebenepisyo kung ipapasa ang SB 1812 na naglalayong ituring ang smuggling ng tabako na pagsabotahe ng ekonomiya,” ani Distor.


May 2.2 milyong Pilipino ang umaasa sa industriya ng tabako, ayon sa National Tobacco Administration (NTA). May 5 hanggang 6 na milyong tao naman ang nakikinabang sa industriya ng asukal, base sa tantiya ng Sugar Regulatory Administration (SRA).


Ipinaliwanag ni Distor na ang smuggling ay ikinalulugi ng mga magsasaka, pinapalitan ang mga lokal na ani at kalauna'y nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga produkto sa merkado at nagpapahirap sa mga mamimili.


“Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng lokal na produkto ay lalong lumalaganap ang smuggling. Natatalo ang mga kababayan nating magsasaka sa kompetisyon kung ikukumpara sa presyo ng smuggled,” sabi pa ni Distor.


Base naman sa tantiya ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ang patuloy na smuggling ng tabako ay nagnanakaw ng P50 bilyon hanggang P100 bilyon sa kita at buwis ng gobyerno kada taon.


Sa pamamagitan ng SB 1812 at ng kahalintulad na House Bill 3917, ang malawakang smuggling ng tabako, kabilang ang mga produkto tulad ng sigarilyo at heated tobacco products, ay ituturing na “economic sabotage” na may ampat na parusa at walang piyansa.


Partikular na nakatuon ang SB 1812 sa pag-amyenda sa Section 4 ng RA 10845 para magpataw ng pagkakakulong ng may 30 hanggang 40 taon at multa na doble sa kabuuang halaga ng buwis, taripa at iba pang gastos na nawala sa gobyerno dahil sa smuggling.


Ang kasalukuyang batas ay sumasakop lamang sa iilang produkto tulad ng asukal, bigas, mais, karne, bawang, sibuyas at iba pang gulay.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page