top of page
Search
BULGAR

Mga mag-aaral, mas hasain ang kasanayan sa pagbabasa

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 11, 2024

Ang pagbabasa ay isa sa matitibay na pundasyon ng karunungan. Ito ay pangunahing kasanayan na dapat matutunan ng isang estudyante upang kanyang maunawaan ang mga aralin at maging matagumpay sa pag-aaral. 


Kaya naman nasasabik tayo dahil sa a-dose na ng buwan ilulunsad sa lahat ng mga pampublikong paaralan ang programa sa pagbabasa upang maiangat ang literacy skills ng ating mga mag-aaral. 


Kung babalikan natin ang resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), mas mababa pa rin ang average ng Pilipinas (347), kung ihahambing sa average ng mga bansang bahagi ng Organization for Economic Co-Operation and Development (OECD) (476) na nagsasagawa ng PISA. Ipinapakita sa PISA na kahit papaano ay naiintindihan ng mga 15 taong gulang na mga mag-aaral ang mga literal na kahulugan ng mga maiikling pangungusap. 


Ngunit kahit na lumabas na tumaas ang score ng mga mag-aaral noong 2022 PISA kung ikukumpara natin sa 353 na naitalang score noong 2018 PISA, ipinaliwanag ng Department of Education (DepEd) na hindi pa rin maituturing na statistically significant ang pagbabagong ito. Hindi nga umurong ang kaalaman ng mga kabataan sa kabila ng COVID-19 pandemic, pero wala rin namang malaking pagbabagong nakita.   


Binigyang-diin din ng DepEd na 76 porsyento ng mga 15 taong gulang ang hindi umabot sa minimum proficiency pagdating sa Reading o Pagbasa. 


Sa pagangat natin sa kalidad ng edukasyon sa bansa, kailangang tutukan at bigyan ng prayoridad ang mga programang hahasa sa kakayahan ng ating mga mag-aaral pagdating sa pagbabasa. Patuloy sanang magtulungan ang pamahalaan, mga paaralan, at magulang sa layuning ito. 


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang ilang mga programa para paigtingin ang pagbabasa at learning recovery. Isa na rito ang ARAL Program Act (Senate Bill No.1604) na layong tugunan ang pinsalang idinulot ng nagdaang pandemya. Saklaw ng naturang pa-nukala ang mga essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang 10, at Science para sa Grade 3 hanggang 10.


Para sa mga mag-aaral sa Kindergarten, bibigyang-diin ng programa ang literacy at numeracy.


Isinusulong din natin ang ilang mga panukalang batas tulad ng National Reading Month Act (Senate Bill No. 475) at National Literacy Council Act (Senate Bill No. 473). Layon ng National Reading Month Act na gawing institutionalized ang pagdiriwang ng National Reading Month tuwing Nobyembre upang isulong ang kultura ng pagbabasa. Layon naman ng National Literacy Council Act na gawing de facto local literacy councils ang mga local school boards.

 


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page