top of page
Search
BULGAR

Mga mabuting benefits ng keto or low-carb diet

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | June 26, 2023



Doc Erwin,


Ilang taon na po akong masugid na tagasubaybay ng diyaryong Bulgar at ng kolumn ng Sabi ni Doc. Ako ay 54 years old at may limang taon na ring na-diagnose na maysakit na diabetes at hypertension. Ayon sa resulta ng aking mga laboratory exams, madalas ay mataas din ang aking cholesterol at triglyceride. Ako ay umiinom ng mga gamot upang bumaba ang blood sugar, blood pressure at ang cholesterol.


Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga gamot at sa aking pagnanais na maihinto na ang pag-inom ng mga gamot ay humingi ako ng payo sa isang nutritionist kung ano ang nararapat na diet upang bumaba ang aking blood sugar, blood pressure, cholesterol at triglyceride. Ayon sa kanya, makakabuti ang low carbohydrate (“low-carb” or “keto”) diet. Nais kong malaman kung ano po ang low-carb diet at kung ang kanyang payo ay makakatulong para bumaba aking blood pressure at maisaayos ang aking lipid profile. -Ben Santos


Maraming salamat po sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at pagtangkilik sa Bulgar newspaper.


Ang ketogenic diet or mas kilala sa tawag na “keto” at “low-carb” diet ay isang pamamaraan na ginagamit ng mga doktor upang bumaba ang timbang at blood sugar level ng mga indibidwal na may obesity at may diabetes.


Ngunit sa mga makabagong scientific studies, mas marami pa ang nagagawa ng keto or low carbohydrate diet bukod sa pagpababa ng timbang at ng blood sugar level.


Sa pag-aaral ng mga siyentipiko na pinangunahan ni Dr. David Unwin, isang pangunahing mananaliksik sa United Kingdom, bumaba ang blood pressure, timbang, at lipid profile ng 154 na mga pasyente na may Type 2 diabetes o mga pasyente na mataas ang blood sugar level. Inilathala ang resulta ng pananaliksik na ito sa International Journal of Environmental Research and Public Health noong August 2019.


Kung susuriin natin ang resulta ng research na ito, makikita natin na bumaba ang systolic at diastolic blood pressure ng mga pasyente. Dahil dito naitigil din o naibaba ang dose ng mga anti-hypertensive medications (gamot sa high blood pressure) na iniinom ng mga pasyente.


Bukod sa epekto ng keto or low-carb diet sa high blood pressure, ay nagkaroon din ng significant improvement sa lipid profile ng mga study participants. Napapababa ng low carbohydrate diet ang cholesterol at triglyceride levels ng mga pasyente. Ang serum triglyceride level ng mga pasyente ay napapababa ng mahigit sa 30 porsyento. Isa itong halimbawa na ang pagbabago sa ating mga kinakain ay malaki ang epekto sa ating kalusugan.


Dahil na rin sa maraming nakaraang mga pananaliksik tungkol sa epekto ng low carbohydrate diet sa timbang ay inasahan na ng mga researchers ang pagbaba ng timbang ng mga study participants.


Bumaba ang timbang ng mga pasyente mula 5 hanggang 13 kilos o average na 9.5 kilos. Ang pagbaba ng timbang ay maaring isa sa mga dahilan ng pagbaba ng blood pressure.

Sa pag-aaral ng grupo ng mga manaliksik mula sa University of Antwerp sa Belgium na pinangunahan ni Dr. Mertens, nakitaan ng pagbaba ng blood pressure ang mga indibidwal na bumaba ang timbang mula 5 hanggang 10 porsyento.


Maaari ring maitigil ang pag-inom ng gamot sa high blood pressure kung maibababa ang timbang. Inilathala ang resulta ng pag-aaral ni Dr. Martens sa scientific journal na Obesity Research noong May 2000.


Kung pagbabasehan natin ang resulta ng mga scientific studies na ito ay maaaring makatulong ang low carbohydrate (low-carb) or ketogenic (keto) diet upang maitigil mo (o maibaba ang dose) ang pag-inom ng mga gamot sa high blood pressure, high blood sugar, cholesterol at triglyceride.


Makabubuti na isangguni sa inyong doktor ang planong ito upang mapangalagaan ang inyong kalusugan.

Maraming Salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

ความคิดเห็น


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page