top of page
Search
BULGAR

Mga lugar na puwedeng gawin ang seremonya ng kasal

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 1, 2024

 

Dear Chief Acosta,

 

Nais kong magpakasal sa restaurant kung saan ko nakilala ang aking mapapangasawa at doon na rin gaganapin ang reception. Sabi ng aking mga magulang, ang kasal ay dapat isagawa sa simbahan at hindi sa ibang lugar. Tama ba ang aking mga magulang? -- Maya

 

Dear Maya,

 

Nakasaad sa Artikulo 8 ng “The Family Code of the Philippines” ang mga lugar kung saan maaaring isagawa ang seremonya ng kasal:

 

“Art. 8. The marriage shall be solemnized publicly in the chambers of the judge or in open court, in the church, chapel or temple, or in the office of the consul-general, consul or vice-consul, as the case may be, and not elsewhere, except in cases in marriages contracted at the point of death or in remote places in accordance with Article 29 of this Code, or when both of the parties request the solemnizing officer in writing in which case the marriage may be solemnized at a house or place designated by them in a sworn statement to that effect.” 

 

Batay sa nabanggit, ang kasal ay dapat isagawa sa publiko sa silid ng hukom o sa open court, sa simbahan, sa kapilya o templo, o sa opisina ng konsul-heneral, konsul, o bise-konsul, at hindi sa ibang lugar, maliban kung ang mga magpapakasal ay humiling sa magkakasal sa pamamagitan ng sulat kung saan ang kasal ay maaaring isagawa sa isang bahay o lugar na itinalaga nila sa isang sinumpaang salaysay sa ganoong layunin.

 

Samakatuwid, mali ang sinabi ng iyong mga magulang dahil kayong magpapakasal ay maaaring humiling sa magkakasal na isagawa ang inyong kasal sa isang restaurant na itatalaga ninyo sa pamamagitan ng isang sinumpaang salaysay.

 

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

 

Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page