ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | October 07, 2023
Hindi na umano hihintayin ng grupong Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (SMMITT) o mas kilala sa tawag na MANIBELA ang papalapit na deadline na itinakda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa phaseout ng tradisyunal na jeepney.
Sa halip na maghintay sa itinakdang phaseout sa Disyembre 31 ng taong kasalukuyan ay nakatakdang magsampa ng kasong katiwalian ang grupong MANIBELA sa Office of the Ombudsman laban sa apat na opisyal umano ang LTFRB.
Sadyang hindi muna inilabas ng MANIBELA kung sinu-sino ang mga sinasabing tiwaling opisyal ng LTFRB na kanilang sasampahan ng kaso sa susunod na linggo ngunit tinitiyak nilang papanagutin umano ang mga ito sa labis na pahirap na kanilang dinaranas sa naturang ahensya.
Ayon sa paliwanag ng MANIBELA, grabe ang katiwalian at pangungurakot umano na kanilang dinaranas sa kamay ng mga tukoy na opisyal ng LTFRB hinggil sa pagproseso ng iniaalok nilang pagbabago sa ilalim ng modernization program.
Matapos umanong magsampa ng kaso laban sa mga nasabing opisyal ng LTFRB ay agad silang magtutungo sa UP Hotel sa loob mismo ng campus ng naturang unibersidad upang makapagsagawa ng press conference at doon ay isa-isang nilang ibubunyag ng mga opisyal na sangkot sa anomalya.
Tila wala na ring aasahan sa Senado ang transport group na pigilan ang napipintong phaseout ng tradisyunal na jeepney dahil maging si Sen. Grace Poe ay hinimok ang lahat ng tsuper ng public utility vehicles na gamitin ang oportunidad na mahasa ang kanilang kasanayan sa pagmamaneho sa lansangan sa pamamagitan ng paggamit ng ‘Tsuper Iskolar Program’ na puwedeng makuha online.
Maayos ang hakbanging ito dahil mapapalawak nito ang kaalaman ng isang driver hinggil sa pagmimintine at pagkukumpuni ng sasakyan, at mapapalawak ang kaalaman patungkol sa road safety at magagamit sa pag-a-apply kahit sa ibang bansa.
Nitong 2023 budget ay kasamang inilaan ang P100 milyong pondo para sa ‘Tsuper Iskolar Program’ para sa PUV drivers at hiwalay na P100 milyon para sa ‘ExTsuperneur Program’ na sadyang inilaan para sa motorista upang magkaroon ng kasanayan na magagamit nila para sa bagong pagkakabuhayan.
Tulung-tulong ang Department of Transportation (DOTr) sa pamamagitan ng Land Transportation Office (LTO) at Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) na hubugin ang mga tsuper na magkaroon ng pormal na edukasyon at sertipikasyon na magagamit nila sa pagpapatuloy sa kanilang hanapbuhay.
Kapaki-pakinabang ang paghahanda na isinagawa ni Sen. Poe dahil nakapailalim naman ang entrepreneurship program sa DOTr sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na lahat ay libre ang isasagawang pag-aaral.
Sinadyang gawing madali ang proseso para makakuha ng scholarship program dahil puwede nang mag-aplay sa online at maaaring magpunta ang aplikante sa regional offices ng ahensya upang makakuha ng slot sa mga isasagawang training.
Isa ito sa matibay na patotoo na wala ng atrasan ang isasagawang phaseout laban sa tradisyunal na jeepney kaya nga may iniaalok na bagong programa si Sen. Poe dahil alam na niya ang kahihinatnan ngunit tila hindi ito sapat sa kagustuhan ng mga tsuper.
Hindi umano matanggap ng transport group sa plano ng LTFRB na patayin ang kanilang hanapbuhay gamit ang Dept. Order 2017-011--ito ang pagpasok sa consolidation at pagkuha ng minibus na harap-harapan umanong nagbaon sa utang sa lahat ng individual operator maging PUJ or UV Express man.
Ngayong baon na umano sa utang sa bangko ang maraming operator at tsuper na nangangamba na baka isang araw ay bigla na lang hatakin ang kanilang mga sasakyan ng walang kalaban-laban.
Kaya habang papalapit ang deadline sa darating na Disyembre 31, ng phaseout ng tradisyunal na jeepney ay painit din nang painit ang nararamdamang galit ng ilang transport group na tutol sa phaseout.
Sa halip na ‘Manigong Bagong Taon’ ay giyera sa pagitan ng LTFRB at transport group ang sasalubong sa pagpasok ng 2024.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments