ni Lolet Abania | January 7, 2021
Inilabas na ng ilang lokal na pamahalaan ang halaga ng ilalaang pondo sa COVID-19 vaccine na gagamitin para sa kani-kanilang nasasakupan.
Marami sa mga lungsod ang ibibigay nang libre ang nasabing vaccine para sa mga residente habang prayoridad ng iba ang mga sektor na irerekomenda ng World Health Organization.
Narito ang mga local government units (LGUs) at kanilang inilaang pondo para sa COVID-19 vaccine:
Antipolo City, Rizal - ₱300 million
Cainta, Rizal - ₱150 million
Caloocan City - ₱125 million
Cebu City - ₱400 million
Iloilo City - ₱200 million
Makati City - ₱1 billion
Malabon City - ₱200 million
Mandaluyong City - ₱200 million
Manila City - ₱250 million
Marikina City - ₱82.7 million
Muntinlupa City - ₱170 million
Navotas City - ₱20 million
Parañaque City - ₱250 million
Pasay City - ₱250 million
Pasig City - ₱300 million
Puerto Princesa, Palawan - ₱500 million
Quezon City - ₱1 billion
San Juan - ₱50 million
Taguig City - ₱1 billion
Valenzuela City - ₱150 million
Zamboanga City - ₱200 million
Para kina Mayor Arthur Robes at Rep. Florida Robes, sasagutin ng lokal na pamahalaan ang pagbabakuna sa lahat ng residente ng San Jose, Del Monte sa Bulacan, subalit hindi nila binanggit ang ilalaang pondo para sa vaccine.
Ayon naman kina Caloocan Mayor Oscar Malapitan at Makati Mayor Abby Binay, libreng matatanggap ng kanilang constituents ang COVID-19 vaccine.
Ibibigay din ng Taguig City government nang libre para sa lahat ng residente ng lugar ang vaccine.
Sa Malabon, ₱200 milyon ang inilaan ng lokal na pamahalaan para sa 20 porsiyento hanggang sa 30 porsiyento ng populasyon ng siyudad.
Libreng vaccination din ang matatanggap ng 300,000 residente ng Parañaque City at prayoridad pa rin ang mga health workers at senior citizens.
Bukod dito, sinabi ni Mayor Edwin Olivarez na naglaan pa sila ng ₱1 billion para sa pagkuha ng vaccine na pamamahalaan ng awtoridad.
Sa Pasig City, uunahing mabigyan ng COVID-19 vaccine ang mga health workers at senior citizens.
Prayoridad din ng Quezon City government ang mga health workers, senior citizens at iba pang sektor na irerekomenda ng WHO.
Sa ngayon, siniguro na ng lungsod ang 750,000 doses ng AstraZeneca vaccine.
Comments