top of page
Search
BULGAR

Mga konsyumer patuloy na nagsusulong ng mas mabuting alternatibo sa sigarilyo

ni Chit Luna @News | July 2, 2024



File photo

Nanawagan ang mga consumer groups sa mga bansa na igalang ang kanilang karapatang pumili ng mas ligtas na alternatibo sa sigarilyo para mabawasan ang kanilang pagkakalantad sa mga nakakalasong kemikal mula sa usok nito.


Sinabi ni Carissa Düring, direktor ng Considerate Pouchers sa Sweden, isang pandaigdigang grupo ng nagtataguyod sa karapatan ng mga konsyumer, na sila ay may mahalagang papel sa pagwawakas sa problema sa paninigarilyo.


Ang grupo ni Düring ay sumusuporta sa karapatan ng mamimili na pumili ng alternatibo sa sigarilyo na may higit na mas mababang dulot na panganib.


Ang Sweden ay madalas na binabanggit bilang isang matagumpay na bansa sa pagbawas sa pinsala ng sigarilyo o tobacco harm reduction (THR).


Ang THR ay isang diskarte sa kalusugan ng publiko na nagtataguyod sa mga produktong may mas mabababang mapanganib at walang usok na alternatibo sa sigarilyo tulad ng vape, heated tobacco at oral nicotine pouches.


Sinabi ni Düring sa 11th Global Forum on Nicotine (GFN) na ginanap sa Poland kamakailan na nauna ang Sweden sa paggamit ng nicotine pouch at snus. Dahil dito, nagtala ang Sweden ng pinakamababang smoking rate sa buong European Union.


Iniugnay ni Düring ang tagumpay ng Sweden sa pagrespeto sa karapatan ng mga mamimili. Aniya, ang mga konsyumer mismo ang humiling sa European Union na huwag pakialaman ang kanilang snus.


Dahil dito, inaasahan ang Sweden na magiging unang bansa sa Europe na makamit ang smoke-free status.


Ang mga consumer advocates tulad ni Düring ay nasa unahan ng pandaigdigang kampanya para wakasan ang problema ng paninigarilyo at magligtas ng buhay ng mga nininigarilyo.


Hinihimok nila ang mga awtoridad na gumamit ng diskarteng nakabatay sa agham at kilalanin ang THR na nagsusulong nga mga alternatibong walang usok bilang mas mahusay na kapalit sa sigarilyo.


Sinasabi ng mga grupong ito na ang mga alternatibong walang usok ay may mahalagang papel sa THR.


Layunin ng THR na bawasan ang pinsalang dulot ng paninigarilyo, ang pinakamapanganib na paraan ng paggamit ng tabako. Hinihikayat nito ang mga naninigarilyo na lumipat sa mga produktong nikotina na walang usok.


Ipinapakita ng mga siyentipikong pag-aaral na ang mga produktong walang usok ay 95 porsiyentong mas mabuti kaysa sa tradisyonal na sigarilyo. Hindi tulad ng mga sigarilyo, ang mga produktong ito ay hindi nagsusunog ng tabako o gumagawa ng usok na naglalaman ng libu-libong nakakapinsalang kemikal.


Maraming mga bansa, gayunpaman, ay patuloy na naghihigpit sa mga produktong ito kumpara sa sigarilyo.

Sinabi ni Asa Saligupta, direktor at founding member ng ENDS Cigarette Smoke Thailand (ECST) at miyembro ng Parliament's Committee on Laws and Regulations of E-Cigarettes, na isa ang Thailand sa mga bansang patuloy na nagbabawal sa pag-angkat ng e-cigarettes.


Sa kabila ng pagbabawal, ang Thailand ay may higit sa 1.5 milyong vapers, ayon kay Saligupta. Aniya, ang ECST (ENDS Cigarette Smoking Thailand), na may mahigit 100,000 miyembro, ay nagtatrabaho upang turuan ang publiko at makipag-usap sa gobyerno para baligtarin ang pagbabawal.


Si Ignacio Leiva, tagapagtatag at pangulo ng Association of Vaporizer Consumers of Chile (ASOVAPE) at kalihim ng ARDT Iberoamerica, ay gumanap ng mahalagang papel sa pagtataguyod ng THR sa Chile.


Inorganisa niya ang unang pro-vaping na pampublikong demonstrasyon sa Latin America.


Aniya, patuloy silang nagtuturo sa publiko tungkol sa benepisyo ng THR.


Sinabi ng mga consumer groups na patuloy silang nahaharap sa mga hamon kabilang ang kumplikadong polisiya ng mga bansa, ang hindi pagsali sa kanila sa mga talakayan at patakaran at patuloy na pagtanggi ng World Health Organization na isama ang kanilang pananaw.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page