top of page
Search
BULGAR

Mga kondisyon sa matris tulad ng kanser...

Pagtubo ng mga polyps at iba pa, maaaring matukoy dahil sa pagpaparaspa

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 3, 2020



Dear Doc. Shane,


Ang raspa ba ay para lamang sa isang babae na nagkaroon ng miscarriage? Nagtataka kasi ako kung bakit niraspa ang ate ko gayung menopause na siya. Normal lang ba ‘yun? – Susie


Sagot


Ang raspa o dilatation and curettage (D&C) ay isang pamamaraan na isinasagawa upang makakuha ng maliit na bahagi ng laman mula sa loob ng matris. Isinasagawa ito ng mga doktor upang matukoy at magamot ang ilang kondisyon sa matres, tulad ng sobrang pagdurugo o kaya naman ay malinis ang loob ng matres pagkatapos malaglag ang ipinagbubuntis.


Ginagamitan ito ng instrumentong bakal na kung tawagin ay curette na maaaring may talim sa dulo o panghigop (suction).


Ang pagraraspa ay maaaring isagawa sa sinumang kababaihan na dumaranas ng kondisyon sa kanyang matris. Maaaring irekomenda ng doktor ang pagpaparaspa kung mayroong abnormal na pagdurugo sa matris, kung dumaranas ng pagdurugo kahit lumipas na ang menopause o kung natukoy ang pagkakaroon ng mga bukol na maaaring may kaugnayan sa cervical cancer. Isinasagawa rin ang pagraraspa upang alisin ang mga natirang laman sa loob ng matris matapos ang pagkakalaglag ng ipinagbubuntis at maiwasan ang impeksiyon at patuloy na pagdurugo.


Paano ba isinasagawa ang raspa?


Ang pagraraspa ay isinasagawa sa ospital o klinika sa rekomendasyon ng doktor. Ang proseso ay mabilis lamang na karaniwang tumatagal lamang 15 hanggang 30 minuto. Ipinapasok ang instrumentong curette sa loob ng matris upang makakuha ng maliit na bahagi ng laman.


Ang laman na nakuha ay pag-aaralan naman sa laboratoryo. Matapos isagawa ang pagraraspa, maaring dalhin muna sa recovery room ang pasyente habang hinihintay ang resulta.


Sa tulong ng raspa, maaaring matukoy ang ilang kondisyon sa matris tulad ng kanser, pagtubo ng mga polyps at pangangapal ng mga gilid ng matres. Sa tulong din nito, maaaring maiwasan ang impeksiyon at patuloy na pagdurugo pagkatapos malaglag ng ipinagbubuntis.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page