top of page
Search
BULGAR

Mga komyuter, ‘di lang sa COVID-19 dapat protektahan kundi pati sa mga kawatan

ni Ryan Sison - @Boses | June 05, 2021



Hindi na bago sa atin ang maka-engkuwentro ng mga nanlilimos sa mga kalsada at pampublikong transportasyon.


Ngunit kamakailan, hindi lamang basta nanlilimos ang na-engkuwentro ng ilang komyuter dahil ang namamalimos, may dala pang kutsilyo at nagbabanta sa mga pasahero.


Ang insidente ay naganap noong Lunes, Mayo 31, sa bahagi ng Ortigas Avenue Station ng EDSA Carousel.


Base sa ulat, ipinagbigay-alam ng mga pasahero na naghihintay ng bus sa naturang istasyon sa security personnel na may lalaki na may saklay ang nagbabanta sa kanila gamit ang kutsilyo at nanghihingi ng pera.


Agad na pinuntahan ng Interagency Council for Traffic (I-ACT) personnel ang lalaki para paalisin, ngunit habang papalapit, sinubukan nitong harangin ang mga bus, naitumba ang saklay at tumakbo patungo sa personnel habang hawak ang kutsilyo.


Napag-alaman ding pagala-gala ang lalaki sa iba pang istasyon kung saan nangha-harass ng komyuter at ginagambala ang bus operations.


Kaugnay nito, umapela si Transportation Secretary Arthur Tugade sa I-ACT at PNP-HPG na paigtingin ang security measures sa EDSA Carousel upang mabigyan ng proteksiyon ang mga komyuter. Kasabay nito ang paghikayat sa mga komyuter na maging mapagmatyag at agad na i-report sa mga awtoridad ang kahina-hinalang aktibidad.


Bagama’t normal nang makakita ng ilang nanlilimos sa mga pampublikong transportasyon, nakaaalarma na mayroong ganitong insidente.


Kung hindi nai-report sa personnel, posibleng may mapahamak o masaktang komyuter.

Kaya dapat lang na higpitan pa ang seguridad, hindi lamang sa EDSA Carousel kundi pati sa iba pang pampublikong transportasyon.


Sana’y magsilbing paalala ang insidenteng ito sa mga kinauukulan na hindi lamang sa COVID-19 dapat protektahan ang mga pasahero dahil kailangan din nila ng proteksiyon laban sa masasamang loob.


Tandaan na karapatan ng bawat isa ang magkaroon ng ligtas at payapang biyahe patungo sa kani-kanilang destinasyon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page