by Info @Buti na lang may SSS | Oct. 20, 2024
Dear SSS,
Magandang araw po! Nakita ko ang website ng SSS at ang iba’t ibang benepisyo ng SSS. Nais kong malaman kung sino ba ang benepisyaryo ng isang miyembro ng SSS? Salamat.
— Edgar
Mabuting araw sa iyo, Edgar!
Isa ito sa madalas na itinatanong ng publiko tungkol sa kung sino ang mga karapat-dapat na benepisyaryo ng isang SSS member. Nilinaw ng Republic Act No. 11199 o ang batas na nakakasakop sa SSS kung sino ang mga benepisyaryo ng isang miyembro. Ayon sa Section 8 (k) ng SS Law, ang mga pangunahing benepisyaryo o primary beneficiaries ay ang may karapatan na tumanggap ng mga benepisyo na nauukol sa isang miyembro ng SSS.
Ayon sa batas, pangunahing benepisyaryo ng miyembro ang legal dependent spouse. Siya ang legal na asawa na umaasa sa suporta mula sa miyembro. Itinuturing din na pangunahing benepisyaryo ng miyembro ang mga dependent children o mga anak na lehitimo, ilehitimo pati ang legitimated o legal na inampon na wala pang 21-anyos, walang asawa at walang trabaho.
Kung walang pangunahing benepisyaryo ang miyembro, ang mga magulang bilang secondary beneficiaries ang tatanggap ng benepisyo. Kung walang primary at secondary beneficiaries, ang tatanggap ng benepisyo ay ang sinumang itinala ng miyembro na kanyang benepisyaryo sa SS Form E-1 o Personal Record Form. Sila ang tinatawag na designated beneficiaries.
Kapag namatay ang isang miyembro ng SSS, dalawang benepisyo ang maaaring makuha ng kanyang mga naiwan mula sa ahensya. Una ay ang funeral benefit para sa sinumang gumastos sa pagpapalibing ng miyembro. Pangalawa ay ang death benefit para sa mga lehitimong benepisyaryo ng miyembro.
Ang pagbabayad ng death benefit ay alinsunod sa pagkakasunud-sunod ng order of preference ng mga benepisyaryo: primary beneficiaries (legal na asawa at menor-de-edad na anak); secondary beneficiaries (mga magulang); sinumang tao na itinalaga ng miyembro bilang kanyang benepisyaryo sa SS Form E-1/E4; at mga legal na tagapagmana o legal heirs ng namatay na miyembro.
Ang may karapatan na tumanggap ng death benefit ay ang legal na asawa at dependent children na wala pang 21-anyos. Binibigyan-diin ng batas na legal na asawa ang may karapatan sa benepisyo ng namatay na miyembro at hindi ang common-law spouse. Samakatuwid, napakahalaga na maipresenta ang marriage contract bilang supporting document sa death claim.
Makatatanggap ng panghabambuhay na pensyon ang legal na asawa kapag nakapaghulog ang pumanaw na miyembro ng SSS nang hindi bababa sa 36 buwan na hulog. Ang buwanang death pension ay para sa legal na asawa hangga’t hindi pa siya nag-aasawang muli. Kapag kulang sa 36 buwan ang hulog ng namatay na miyembro, lump sum death benefit lang ang matatanggap ng legal na asawa.
Pinagkakalooban ng dependents’ pension ang limang menor-de-edad na anak, simula sa pinakabata. Ang dependents’ monthly pension ay katumbas ng P250 kada bata o 10% ng death pension na tinatanggap ng dependent spouse, alinman ang mas mataas. Dapat ipresinta ang mga birth certificate ng mga bata sa pag-claim ng death benefit. Para sa mga batang may kapansanan o may kakulangan sa pag-iisip, kinakailangan na ipresinta kalakip ng birth certificate ang medical records.
Kung walang primary at secondary beneficiaries, ang death benefit ay maaaring tanggapin ng kanyang mga legal na tagapagmana tulad ng mga anak na higit 21 taong gulang, mga kapatid, at iba pa. Kung ang namatay na miyembro ay pensyonado bago siya namatay, ang kanyang mga legal na tagapagmana ay makatatanggap lamang ng natitirang pensyon na nakapaloob sa five-year guaranteed period.
Kung namatay na ang miyembro habang aktibo siyang naghuhulog at nakapaghulog siya ng hindi bababa sa 36 na kontribusyon ngunit wala siyang pangunahin o pangalawang benepisyaryo, ang mga legal niyang tagapagmana ang makatatanggap ng lump-sum benefit.
Pinapayuhan namin ang mga miyembro ng SSS na i-update ang kanilang record sa SSS lalo na ang kanilang mga benepisyaryo upang walang maging problema sa pag-claim ng mga benepisyo.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.
Comments