top of page
Search
BULGAR

Mga kawatan ngayong ‘ber months’, parang virus na nag-aabang ng biktima

ni Ryan Sison - @Boses | September 04, 2021



Para sa ligtas na Kapaskuhan, ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Guillermo Eleazar ang pagpapaigting ng police visibility sa mga pampublikong lugar lugar ng malls at shopping centers.


Kadalasan kasing tumataas ang crime rate sa tuwing sumasapit ang ‘ber months’, na hudyat ng pagsisimula rin ng mahabang Kapaskuhan at pagdagsa ng mamimili sa mga shopping centers.


Bagama’t limitado ang kilos dahil sa ipinatutupad na quarantine restrictions, hindi umano dapat maging kampante ang mga mamimili laban sa pananamantala ng ilang indibidwal.


Ayon pa sa opisyal, dahil hindi pangkaraniwan ang mga panahong ito dahil sa pandemya, dapat mas maging maingat, lalo pa ngayong dumarami ang mga variant ng virus.


Titiyakin aniya nila ang seguridad ng bawat mamimili at mga nasa lansangan laban sa mga kawatan habang ipinatutupad ang health protocol.


Dahil dito, nananawagan ang PNP sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga umiiral na health protocols kapag lalabas ng bahay.


Malaking tulong ang mga nakakalat na pulis sa lansangan upang maiwasan ang krimen.


Gayunman, pakiusap lang sa lahat, iwasang maging kampante dahil kahit maraming kapulisan sa paligid, hindi natin alam kung kailan sasalakay ang mga kawatan.


Panawagan naman sa ating kapulisan, tiyaking mapananatili ang peace and order sa lahat ng lugar, lalo na ngayong nalalapit ang Kapaskuhan.


Kung tutuusin, hindi na bago sa atin ang pagtaas ng bilang ng krimen tuwing holiday season at tulad ng nabanggit, hindi pangkaraniwan ang panahon dahil nahaharap tayo sa pandemya na dala ng COVID-19, kaya hindi lamang sa virus tayo dapat mag-ingat kundi pati sa mga kawatan.


Tulad ng virus, nariyan lang din sila at nag-aabang ng mga mabibiktima.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page