top of page
Search
BULGAR

Mga kasambahay, ‘wag kalimutan sa taas-sahod

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 1, 2022


Sa gitna ng tumitinding kahirapan dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng petrolyo dulot ng ‘di matapos-tapos na bakbakan sa pagitan ng Ukraine at Russia, hindi lang mga ordinaryong worker o manggagawa ang naapektuhan ng krisis. Isa sa matindi ring naghihirap ngayon ang ating mga kasambahay.


Kung magkaka-umento man sa sahod ang mga ordinaryong obrero, abah eh dapat namang ‘wag kaligtaan ang ating mga kababayang kasambahay.


Una, bukod sa super-liit na suweldo ng ating mga kasambahay, pahalagahan din natin na katuwang ng mga working nanay at tatay ang ating mga kasambahay. Sila ang tumitingin at nagsisigurong malinis, maayos ang ating pamamahay, maging ang ligtas na kalagayan ng ating mga anak.


Eh kung titingnan natin, ‘di makabubuhay ang kita ng ating mga kasambahay lalo na ‘yung mga nasa probinsiya na sumasahod lang ng mula P2,000 hanggang P2,500 kada buwan kumpara sa Metro Manila at Central Visayas na nasa P5,000.


Gasino na nga lang ba ang P2,000 kada buwan, na kulang na kulang na pambadyet sa pagkain, kuryente, tubig at iba pang gastusin sa bahay, di bah? Paano ‘yan pagkakasyahin sa rami ng bayarin, eh patuloy din ang pagtaas ng presyo ng bilihin dulot ng pagsirit ng presyo ng krudo sa world market?


Eh kung ang mga manggagawa ngang sumasahod ng medyo lampas pa sa minimum wage, hindi na mapagkasya ang sinasahod lalo pa kaya sila sa panahon ngayon? Kaya tama lang na 'wag naman kalimutan na mabigyan din ng gobyerno ng umento ang kanilang mga suweldo di bah?!


IMEEsolusyon na isama na rin sila sa posibleng mabibigyan ng umento sa minimum wage na hirit ng mga manggagawa sa Regional Tripartite and Productivity Boards (RTWPBS). Ihabol natin sa mga rerebyuhing sahod ng mga manggagawa sa papasok na buwan ng Abril, ang suweldo ng mga kasambahay.


Sa ngayon, binigyan ng hanggang katapusan ng Abril ang wage boards para isumite ang kanilang rekomendasyon na taasan ang minimum wage ng mga manggagawa sa iba’t ibang lugar sa bansa.


Kung matatandaan natin noong 2019, nasa P2,309 ang sahod ng mga stay-in na kasambahay sa BARMM, habang nasa P5,815 naman sa mga kasambahay na nasa Kamaynilaan.


Sa ngayon, mahigit sa 1.4 million ang nagtatrabaho bilang mga kasambahay sa ating bansa.


Katuwang natin ang mga kasambahay at malaki ang kontribusyon nila para sa malinis, malusog at magandang tirahan ng bawat pamilyang Pinoy. Kaya bigyan din naman sila ng karapat-dapat na pasahod, di bah?!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page