top of page
Search
BULGAR

Mga kasal na walang bisa kahit valid sa ibang bansa

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Pebrero 28, 2024


Dear Chief Acosta,


Ang aking boyfriend ay kaka-propose lamang sa akin. Kami ay parehas na nasa wastong gulang na at parehas ding Pilipino, ngunit aming binabalak na sa ibang bansa ikasal. Pangarap ko kasi talagang ikasal sa Paris, France. Gusto ko lamang malaman kung valid at kikilalanin dito sa Pilipinas ang aming kasal kahit ito ay ginanap sa ibang bansa. Maraming salamat. -- Pamela


Dear Pamela,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Article 26 ng Family Code kung saan nakasaad na:


“Art. 26. All marriages solemnized outside the Philippines, in accordance with the laws in force in the country where they were solemnized, and valid there as such, shall also be valid in this country, except those prohibited under Articles 35 (1), (4), (5) and (6), 36, 37 and 38.”


Ayon sa batas, lahat ng kasal na ginanap sa labas ng Pilipinas, alinsunod sa mga batas na ipinatutupad sa bansang iyon kung saan ginanap ang kasal, kung ito ay kinukonsiderang valid sa nasabing bansa, ay magiging valid din at kikilalanin sa Pilipinas. Para sagutin ang iyong katanungan, oo, ang isang valid na kasal na isinagawa sa ibang bansa ay kinikilala rito sa Pilipinas. Ngunit, kailangang tandaan na ang mga kasalan na lalabag sa Articles 35 (1), (4), (5) and (6), 36, 37 at 38 ng ating Family Code, kahit na valid sa ibang bansa, ay hindi kikilalanin dito sa Pilipinas. Kabilang dito ang kasal ng isang menor-de-edad, bigamous at incestuous na kasal, at yaong mga labag sa polisiya ng ating estado gaya ng kasal sa pagitan ng step-parent at step-child at mga magkamag-anak sa loob ng ikaapat na antas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page