top of page
Search
BULGAR

Mga karapatan ng nasasakdal

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | Pebrero 17, 2024

Ang hustisya ay maaaring matamo sa iba’t ibang uri. 


Kaugnay sa ating Saligang Batas, ang isang inakusahan ay mananatiling inosente hangga't hindi napapatunayan ang kanyang pagkakasala. 


Kaya naman, obligasyon ng tagausig na patunayan ang pagkakasala ng isang naakusahan.    


Ang kuwento na aming ibabahagi ngayon ay hango sa apela na hawak ng aming Tanggapan, ang Devega vs. People (CA-G.R. SP No. 177335, November 24, 2023), na kung saan matagumpay na napawalang-sala ng Manananggol Pambayan ang partido na nadawit at naakusahan.


Si Ace ay nasakdal sa kasong theft na isinampa sa Municipal Trial Court in Cities (MTCC) ng San Pedro, Laguna. 


Batay sa impormasyon na inihain sa hukuman, ninakawan diumano ang opisina ni G. Amandy noong Disyembre 25, 2020. 


Ang mga gamit na natangay ay apat na laptop, isang tv, isang cellphone at isang baril na mayroong dalawang live ammunition. 


Ang dispatcher umano ni G. Amandy na si John Carlo, ang nagbalita sa kanya tungkol sa nangyaring insidente.


Agad na rumesponde ang mga pulis at nagsiyasat sa pinangyarihan ng insidente, kanila umanong napag-alaman mula kay Allan, caretaker ng compound, na narinig niyang nakikipag-usap si Lisandro na noo'y naka-duty bilang security guard, sa dalawang kalalakihan. 


Ayon kay Allan, sinabihan diumano ni Lisandro ang mga naturang lalaki na maaari silang pumasok sa oras na umalis ang guwardiya na naka-bisikleta. 


Nakita umano ni Allan na umalis ang nasabing guwardiya na naka-bisikleta, kasabay nu'n ay pumasok ang dalawang lalaki at lumabas lulan ng isang tricycle na may mga gamit na nakabalot. Inakala ni Allan na kabilang ito sa mga kawani ni G. Amandy. 


Noong nagsisiyasat na ang mga pulis, doon niya napag-alaman na ninakawan na pala si G. Amandy. 


Si PSSg. Cruz, ang isa sa mga pulis na naatasang rumesponde at magsagawa ng follow-up operation, dahil sa ibinahaging impormasyon ni Allan, dinala ni PSSg. Cruz si

Lisandro sa himpilan ng pulis at paulit-ulit na tinanong kung sino ang mga kasabwat nito sa krimen. 


Kalaunan, binigay din ni Lisandro ang pangalan nina Ace at Chrispaul, pati na ang lugar kung saan matatagpuan ang dalawa. 


Agad na nagtungo ang mga pulis, kasama sina Lisandro at G. Amandy. 


Nang makarating sa bahay ni Chrispaul ay nagpakilala umano ang mga pulis at ipinahayag ang dahilan kung bakit sila naroon. 


Napuna diumano ni PSSg. Cruz na nakaupo sa sofa si Ace, kasabay nito pinakilala rin ni Lisandro sa pagtatagpong iyon sina Ace at Chrispaul bilang kanyang mga kasabwat. 


Kinumpirma naman ni G. Amandy na pagmamay-ari niya umano ang baril, dalawang

laptop at telebisyon na nabawi noong gabing din iyon.


Sa naging cross-examination kay PSSg. Cruz, nabanggit niya ang ginawang pag-amin ni Lisandro sa kanya ngunit wala diumano ito sa presensya ng abogado at hindi rin naisakasulatan. 


Ayon kay PSSg. Cruz, hindi naisakasulatan ang nasabing pag-amin dahil siya ay rumesponde lamang sa insidente at tungkulin umano iyon ng imbestigador.


Bagaman ang dalawang co-accused ay nagsumite rin ng plea of guilt sa hukuman, iginiit ni Ace na hindi umano siya kasabwat sa krimen. Ginamit lamang umano ang kanyang tricycle, pero wala siyang naging partisipasyon sa pagnanakaw. Iginiit din niyang sa kanyang bahay siya inaresto at hindi sa bahay ni Chrispaul. Hindi rin diumano nagpakilala sa kanya ang mga pulis na umaresto at wala rin umanong nakuhang anumang gamit mula sa kanya.


Sa ibinabang desisyon ng MTCC, hinatulan na may-sala si Ace. 


Ayon sa hukuman, napatunayan umano ng tagausig ang mga elemento ng theft. 


Kaya agad na umapela si Ace sa Regional Trial Court (RTC), subalit pinagtibay ng RTC ang naging hatol ng MTCC. Maliban umano sa pag-amin ni Lisandro, mayroong ibang ebidensya na sumuporta sa conviction ng isinakdal.


Iniangat ni Ace sa Court of Appeals (CA), ang naturang hatol. Iginiit niyang mali ang mababang hukuman sapagkat hindi umano katanggap-tanggap na ebidensya ang pag-amin ni Lisandro, kung saan siya ay idinawit bilang kasabwat sa krimen, dahil iyon ay ginawa umano nang walang pagdalo ng abogado, at hindi rin naisakasulatan. 


Sabihin man na admissible ang naturang pag-amin, iginiit ni Ace na hindi maaaring isantabi ang kanyang karapatan, sapagkat alinsunod umano sa panuntunan na 'res inter alios acta', ang taong umaamin lamang ang maaaring matali ng kanyang sariling extrajudicial confession at hindi maaaring gamiting ebidensya ang naturang pag-amin laban sa mga kapwa-akusado. 


Maliban dito, hindi rin umano balido ang walang warrant na pagkaka-aresto sa kanya at ang pagkumpiska ng mga gamit sa bahay ni Chrispaul. 


Samantala, binigyang-diin ng CA sa ipinalabas nitong desisyon ang panuntunang nakasaad sa Section 5(b), Rule 113 of the Revised Rules of Criminal Procedure, na kung ang isang taong pinaghihinalaang gumawa ng krimen ay aarestuhin nang walang warrant ay dapat: (a) kakapangyari pa lamang ng naturang krimen, at (b) ang taong aaresto ay mayroong sapat na personal na kaalaman ukol dito at ang taong aarestuhin ang maaaring may-akda nito. 


Ayon sa CA, hindi balido ang ginawang pag-aresto kay Ace, sapagkat wala umanong personal na kaalaman si PSSg. Cruz ukol sa partisipasyon ni Ace sa nakawan. Bagkus, bumase lamang umano ito sa ginawang pag-amin ni Lisandro.


Bagaman hindi agad nakuwestyon ni Ace ang iregularidad ng kanyang pagkakaaresto na dapat umano ay ginawa bago ang kanyang arraignment, ang pagkukulang na iyon ay hindi umano nangangahulugan na ipinagpaubaya na ng nasasakdal ang inadmissibility ng mga ebidensya na nakuha noong siya ay iligal na naaresto. 


Binigyang-diin ng CA na ang anumang ebidensya na nakalap bunsod ng unreasonable searches and seizures ay hindi maaaring tanggapin bilang ebidensya sa anumang uri ng pagdinig, alinsunod sa panuntunang nakasaad sa Section 3, paragraph 2 ng Artikulo III ng ating kasalukuyang Saligang Batas. 


Dahil dito, iginawad ng appellate court ang pagpapawalang-sala kay Ace.


Alinsunod umano sa Section 11(a), Rule 122 ng Revised Rules of Criminal Procedure, na makikinabang ang isang taong naakusahan sa pabor na desisyon sa apela ng kanyang kapwa-akusado, iginawad ng CA ang pagpapawalang-sala sa mga kapwa-akusado ni Ace. 


Kaya ang matagumpay na kinahinatnan ng kasong ito, tulad ng maraming iba pa, ang patuloy na nagbibigay ng inspirasyon sa aming Tanggapan na isulong ang laban at pagtatanggol sa aming mga kliyente lalo na ang mga maling naakusahan, sapagkat para na rin namin silang naialis sa posibleng hukay ng kanilang buhay.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page