ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 14, 2024
Ang ating Saligang Batas ang nagbigay ng garantiya sa karapatan ng mga empleyado na magkaroon ng sariling organisasyon para mapangalagaan ang kanilang pansariling interes. Kaugnay nito, ang mga miyembro ng isang unyon ay may mga karapatan at kaakibat na responsibilidad.
Itinatatag ang unyon bilang isang instrumento para ang mga empleyado ay mabigyan ng boses sa kanilang mga pinaglilingkurang opisina o ahensya. Sa ganitong klaseng organisasyon, ang kabuuang miyembro nito ang tunay na magpapatakbo at hindi ang mga opisyales na itinalaga ng kabuuang miyembro.
Ang mga sumusunod ay ilan sa mga karapatang ipinagkakaloob ng batas sa mga miyembro ng isang labor organization (Article 241, Labor Code of the Philippines, renumbered as Article 250 as per DOLE Advisory No. 1, Series of 2015, {Renumbering of the Labor Code of the Philippines, as Amended}).
1. Karapatang hindi magbayad nang sobra o ‘di-makatwirang bayad para sa pagpapanimula ng isang lehitimong organisasyon ng manggagawa, maging ang pagpataw ng labis at ‘di-makatwirang multa;
2. Ang mga miyembro ay may karapatang mahatiran nang buo at detalyadong ulat mula sa mga opisyales at kinatawan ng unyon sa lahat ng pinansyal na transaksyon na nakatala sa konstitusyon at by-laws ng kanilang unyon;
3. Ang mga miyembro ay may karapatang bumoto upang pumili ng kanilang mga lokal na opisyales at kinatawan, maging ng mga opisyales ng pederasyon kung saan nakaanib ang kanilang lokal na unyon;
4. Ang mga miyembro ay binibigyan ng karapatan para tiyakin, sa pamamagitan ng sikretong balota pagkatapos ng masusing deliberasyon, ang anumang tanong tungkol sa polisiya na makakaapekto sa kabuuan ng miyembro ng organisasyon, maliban lamang kung ayon sa uri ng organisasyon o dahil sa ‘di maiwasang dahilan ang sikretong balota ay hindi praktikal. Sa ganitong pagkakataon, ang nasabing polisiya ay pagpapasyahan ng Board of Directors ng nasabing organisasyon para sa pangkalahatang miyembro;
5. May karapatan ang bawat opisyal o miyembro ng organisasyon na inspeksyunin ang libro ng organisasyon sa anumang oras na mayroon pang opisina; at
6. Walang espesyal o di-pangkaraniwang kabayaran ang maaaring ipataw sa isang miyembro ng organisasyon ng manggagawa, maliban lamang kung ito ay binigyan ng nakasulat na awtorisasyon ng mayorya ng kabuuang miyembro ng nasabing organisasyon na nagpulong para sa ganoong kadahilanan.
Maliban sa mga iniuutos na aktibidades sa ilalim ng batas, walang espesyal na kabayaran, bayad sa abogado, bayad para sa negosasyon at iba pang di-pangkaraniwang bayarin na ikakaltas mula sa anumang halaga na nakalaan para sa isang empleyado, maliban lamang kung mayroong indibidwal at nakasulat na awtorisasyon na nilagdaan ng naturang empleyado. Ang nasabing awtorisasyon ay dapat na naglalaman ng ispesipikong halaga, layunin at kung sino ang makikinabang sa kaltas.
Comments