top of page
Search
BULGAR

Mga karapatan at kapangyarihan ng Kamara at Senado

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 12, 2023


Dapat nakasalalay sa isang Kongreso ng Pilipinas ang kapangyarihang Tagapagbatas, na dapat na binubuo ng isang Senado at isang Kapulungan ng mga Kinatawan, maliban sa lawak na inilaan sa taumbayan ng tadhana tungkol sa pagpapatiuna at reperendum.


(Seksyon 1, Artikulo VI ng 1987 Philippine Constitution na naisalin sa wikang Pilipino).


Malinaw sa mga nabanggit na probisyon ng ating Saligang Batas na ang kapangyarihan ng Lehislatura ay ipinagkaloob sa Mababa (Kapulungan ng mga Kinatawan) at sa Mataas (Senado) na Kapulungan ng Kongreso. Ito ay ang kapangyarihang gumawa, susugan, at magpawalang-bisa ng batas. Ang Senado at ang Kongreso ay pantay lamang sa pagpapatupad ng kanilang mga kapangyarihan. Walang mas nakakaangat sa kanilang dalawa. Walang panukalang batas ang maipapasa kung walang pagsang-ayon ang Kongreso at ang Senado.


Maliban sa paggawa ng batas, may kapangyarihan din ang Senado na sumang-ayon sa mga treaties o international agreements na pinagtibay ng Pangulo mula sa kanyang kapangyarihang makipagdiplomasya sa ibang banyagang bansa.


Ang Mababang Kapulungan naman ang may nag-iisang kapangyarihan para magpanimula ng impeachment proceedings o pagsasakdal sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan, katulad ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga Mahistrado ng Korte Suprema at Ombudsman, dahil sa pagkukulang ng tungkulin. Gayunpaman, ang Senado naman ang uupong taga-usig sa nasabing impeachment proceedings.


Ang kapangyarihan ng Kongreso ay maaaring pagbukurin sa dalawa, ito ay ang legislative at non-legislative power. Kasama sa legislative power ang ispesipikong kapangyarihang maglaan ng badget, magpasa ng batas para magpataw ng buwis at ekspropriyasyon (expropriation). Kabilang naman sa non-legislative power ang pagiging Board of Canvassers sa eleksyon ng Pangulo, pagdeklara na ang Pilipinas ay nasa state of war, at pagbigay ng pagsang-ayon sa mga treaties na pinagtibay ng Pangulo.


Sa ating Saligang Batas, habang ang Kongreso ay nasa sesyon, ang isang mambabatas ay hindi maaaring dakpin dahil sa isang krimen na isinampa laban sa kanya kung ang pinakamataas na posibleng ipataw na kaparusahan para sa nasabing krimen ay hindi lalagpas sa anim na taon na pagkakabilanggo. Ito ay maaaring gamitin ng isang mambabatas kahit na ang nasabing mambabatas ay hindi dumalo ng sesyon. Ang mga talumpati ng isang mambabatas, maging ang mga debate sa Kongreso o sa anumang komite nito, ay hindi maaaring gamitin laban sa mga nasabing mambabatas kahit saang lugar sa labas ng Kongreso. Ito ay para ang isang mambabatas ay makapagtrabaho nang mahusay at malaya sa takot ng panggugulo mula sa labas ng kanyang opisina.


0 comments

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page