ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 08, 2023
Isang napakadakilang propesyon na maituturing ang pagiging isang guro. Maliban sa kailangan ang napakahabang pasensya sa pagtuturo upang maipaintindi sa mga mag-aaral ang mga bagay na dapat nilang matutunan sa kanilang murang edad ay kinakailangan din ng tiyaga at pag-unawa.
Upang bigyan ng pamahalaan ng proteksyon ang mga guro, lalo na sa pampublikong paaralan ay ipinasa ang Republic Act (R.A.) 4670 o mas kilala sa tawag na Magna Carta for Public School Teachers. Layunin ng nasabing batas na pagandahin ang sosyal at ekonomikong estado ng bawat guro sa mga pampublikong paaralan, pagandahin ang kondisyon ng kanilang trabaho upang maipantay sila sa mga kasalukuyang oportunidad na tinatamasa ng ibang uri ng propesyon.
Taglay ng batas na ito ang mga karapatan ng mga guro sa mga pampublikong paaralan tulad ng karapatang magkaroon ng seguridad sa kanilang panunungkulan o security of tenure. Ang pagkakaroon ng seguridad sa panunungkulan ay karapatan na magkaroon ng kasiguruhan sa pagtatrabaho.
Ang pagkakatanggal sa serbisyo o trabaho ay maaari lamang mangyari base sa mga kadahilanang isinasaad ng batas, at matapos na mayroong kaukulang pagdinig. Ang isang permanenteng guro na sinampahan ng kasong administratibo ay may karapatang mapadalhan ng isang notice in writing upang ipaalam sa kanya kung ano ang uri ng reklamo na isinampa laban sa kanya. Karapatan din ng nasabing guro na magkaroon ng layang masuri ang mga ebidensyang ginamit laban sa kanya.
Katulad sa ibang kaso, siya rin ay may karapatang depensahan ang kanyang sarili, at kung may desisyon nang nailabas laban sa kanya ay may karapatan siyang iapela ang nasabing desisyon.
Maliban sa exigency of the service (tawag ng tungkulin), ang isang guro na permanenteng nanunungkulan sa isang pampublikong paaralan ay hindi maaaring ilipat sa ibang lugar na hindi niya ibinibigay ang kanyang pahintulot sa nasabing paglilipat.
Ang nasabing paglipat ay maaaring bigyan ng epekto ng school superintendent kapag nasabihan na ang naturang guro at naipaalam sa kanya ang dahilan ng kanyang paglipat. Kapag may alinlangan ang nasabing guro sa rason ng kanyang paglipat ay maaari niyang iapela ang kanyang kaso sa Director of Public Schools o Director of Vocational Education. Ipagpapaliban muna ang paglipat sa nasabing guro habang nasa apela ang kanyang kaso. Ang paglilipat sa loob ng tatlong buwan bago ang local o national election ay hindi rin pinahihintulutan.
Ang isang guro sa pampublikong paaralan ay hindi dapat bigyan nang higit sa anim na oras sa bawat araw na pagtuturo sa silid-aralan. Sa mga pagkakataong kinakailangang magtrabaho siya nang higit sa anim na oras, ang nasabing pagtuturo ay hindi dapat lalagpas sa walong oras sa bawat araw. Ang labis na oras ay babayaran ng parehas na halaga ng kanyang suweldo na may karagdagang 25 porsyento ng kanyang suweldo.
Ang pagbibigay ng limitasyon sa oras ng pagtuturo ay upang mabigyan ang mga guro sa mga pampublikong paaralan ng pagkakataong makapaghanda ng kanilang leksyon at ng iba pang gawain na may kinalaman sa kanilang pagtuturo.
Karapatan din ng isang guro sa pampublikong paaralan ang magkaroon ng study leave at retirement benefits. Kinakailangan lamang na bago makakuha ng study leave ang guro ay nakapagbigay na siya ng pitong taon na pagseserbisyo. Ang pagliliban na ito ay hindi hihigit sa isang school year. Habang nakaliban ang nasabing guro, siya ay sasahod ng hindi bababa sa 60% ng kanyang buwanang suweldo. Ang haba ng nasabing study leave ay hindi dapat na hihigit sa isang taon maliban lamang kung kinakailangan niya ng isa pang semester para tapusin ang kanyang thesis na kinakailangan sa graduate studies o iba pang allied courses. Kung ang nasabing study leave ay hihigit sa isang taon, walang matatanggap na kompensasyon ang guro para sa mga nasabing araw.
Kung ang isang guro sa pampublikong paaralan ay umabot na sa retirement age at nakumpleto na niya ang mga service requirements ng mga angkop na batas, siya ay tatanggap ng one range salary raise upon retirement na magiging basehan para sa pagkukuwenta ng lump sum ng kanyang retirement pay at monthly benefits.
Sa ngayon ay mahigit 50 dekada na ang nakalilipas mula nang ang batas na tumutukoy sa mga karapatan ng mga guro sa mga pampublikong paaralan ay naging epektibo.
Sana, sa mga susunod na panahon ay magkaroon na ng pag-amyenda sa batas para umayon ito sa kasalukuyang panahon.
Comments