ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 5, 2023
Ang kapangyarihan ng Ehekutibo ay nakapaloob sa Artikulo VII ng ating Saligang Batas at ipinagkakaloob ito sa Pangulo ng bansa.
Ipinagkaloob ang mga kapangyarihang ito upang sa gayon ay magampanan ng mga halal na Pangulo ang kanilang liderato at maisakatuparan ang kanilang mithiing mapaunlad at mapatakbo nang maayos ang bansa. Ang liderato ng Pangulo ay ipinapakita hindi lamang sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga batas kundi sa paggawa ng mga ito, maging sa kanilang pangangasiwa sa mga usapin sa loob at labas ng bansa, kasama na rito ang pagkakaroon ng mabuting ugnayang diplomatiko ng Pilipinas sa mga bansang banyaga.
Kaakibat ng kapangyarihan ay ang karapatan ng Punong Ehekutibo sa panahon ng kanyang panunungkulan na magkaroon ng immunity from suit. Hindi pinapahintulutan ng batas na makasuhan ang Pangulo sa anumang husgado habang siya ay nanunungkulan bilang pinuno ng bansa. Ito ay para masiguro na sa pagpapatupad ng Pangulo ng kanyang obligasyon at kapangyarihan ay malaya siya. Kapag ang Punong Ehekutibo ay mahaharap sa mga asunto mahahati ang atensyon ng nasabing pinuno at hindi niya magagampanan nang mahusay ang kanyang mga responsibilidad na maaaring ikapahamak ng taumbayan. Ang karapatang ito ay sa Pangulo lamang ipinagkakaloob nang dahil sa kanyang tanggapan. Maliban sa immunity from suit, ang Pangulo ay maaari lamang tanggalin sa kanyang tungkulin sa pamamagitan ng impeachment.
Isa sa mga kapangyarihan ng Punong Ehekutibo ay ang kapangyarihang magkaloob ng kapatawaran sa mga bilanggo at magpababa ng sentensya ng mga kuwalipikadong preso sa kanyang sariling pagpapasya o sa pamamagitan ng rekomendasyon ng Board of Pardons and Parole (BPP). Ito ay ang tinatawag na pardoning power ng Pangulo. Ang paggagawad ng pardon ng Pangulo ay nasa kanyang pagpapasya at hindi ito maaaring kontrolin ng Lehislatura o baliktarin ng Hudikatura, maliban lamang kung ang paggawad nito ay kontra sa mga limitasyong katulad ng mga sumusunod:
a. Hindi maaaring magbigay ng pardon ang Pangulo sa mga impeachment proceedings;
b. Wala ring pardon para sa mga paglabag sa mga election laws, rules and regulations, maliban kung may rekomendasyon ang COMELEC;
c. Maaari lamang igawad ng Pangulo ang pardon kapag may pinal ng hatol. Hindi ito maaaring igawad kapag may nakabinbing apela sa Court of Appeals o sa Korte Suprema.
Kasama rin sa mga kapangyarihan ng pinuno ng ating bansa ang kapangyarihang maggawad ng amnestiya. Subalit ang pagkakaloob ng Pangulo ng amnestiya ay nangangailangan ng pagsang-ayon ng mayorya ng lahat ng miyembro ng Kongreso.
Comments