top of page
Search
BULGAR

Mga kandidatong walang “K”, out

ni Ryan Sison @Boses | Nov. 11, 2024



Boses by Ryan Sison

Mas mainam na sigurong mga kandidatong may kakayahan at kaalaman sa batas ang makilahok sa eleksyon sa susunod na taon.


Nasa 47 indibidwal kasi ang idineklara ng Commission on Elections (Comelec) na nuisance candidate para sa 2025 senatorial polls. Ipinost naman ng poll body ang listahan sa kanilang social media account.


Matatandaang noong nakaraang buwan ay nakatanggap ang Comelec ng 183 certificates of candidacy (COCs). 


Pagkatapos ay naglabas ito ng paunang listahan ng 66 indibidwal na ang mga pangalan

ay maaaring maisama sa official ballot.


Ayon sa Comelec, ito’y “walang pagkiling sa desisyon ng Division o En Banc sa mga petisyon na ideklara bilang mga nuisance candidate na inihain ng Law Department.”

Gayundin, nalutas ng komisyon, “na kumpirmahin ang awtoridad ng Law Department na simulan sa ngalan ng Commission ang motu proprio na paghahain ng mga petisyon para ideklara bilang mga nuisance candidate laban sa mga pinangalanang 117 aspirante”.


Batay naman sa Omnibus Election Code, ang Comelec ay maaaring magdeklara ng isang aspirante bilang isang nuisance candidate kung ang COC ay naihain, “to put the election process in mockery or disrepute or to cause confusion among the voters by the similarity of the names of the registered candidates or by other circumstances or acts [that] clearly demonstrate that the candidate has no bona fide intention to run.”

Nauna na ring ipinahayag ni Comelec Chairman George Garcia na plano nilang resolbahin ang lahat ng nuisance candidate petitions sa katapusan ng November. 


Mabuti at naglabas na rin ng listahan ang kinauukulan ng mga idineklarang nuisance candidate para maging mas maayos ang ating halalan.


Batid naman natin na hindi lahat ng mga naghain ng COC ay itinuturing na bonafide o tunay ang kanilang intensyon na tumakbo sa eleksyon, kung saan posibleng malagay lamang sa kasiraan o kaya ay maging sanhi ng kalituhan sa mga botante.


Kumbaga, nagiging ‘panggulo’ lang ang mga ito para sa mga totoo at nais na kumandidato na may kakayahan, marunong sa batas, at may alam sa pamamahala ng nasasakupan. 


Kaya tama lamang na pakasalain maigi ang mga aspiranteng gustong maupo sa gobyerno. Iyon bang mga walang kakayahan o kaalaman talaga ay huwag ng payagan pa na makapuwesto.


Paalala lang natin lagi sa mga kababayan na maging matalino sa pagpili ng ating magiging lider. Huwag mapagdalus-dalos at isiping mabuti ang ibobotong kandidato na may puso at tapat na maglingkod sa mga mamamayan at sa bayan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page