ni Ryan Sison @Boses | Feb. 10, 2025
![Boses by Ryan Sison](https://static.wixstatic.com/media/2551ae_3122dd024e8a41dd8389e3259e0174e7~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/2551ae_3122dd024e8a41dd8389e3259e0174e7~mv2.jpg)
Hindi pa man nagsisimula ang opisyal na kampanyahan para sa 2025 midterm election ay sandamakmak na ang makikitang nakapaskil na mga mukha, pangalan at partido ng mga kandidato sa iba’t ibang lugar sa ating bansa.
Kaya naman mahigpit na magpapatupad ang Commission on Elections (Comelec) ng mga regulasyon para sa campaign materials sa ilalim ng kanilang ‘Operation Baklas’ bilang paghahanda na rin sa campaign period ng mga kandidato sa pagka-senador at partylist, na mag-uumpisa bukas, February 11.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, babaklasin ng poll body simula Martes (Feb. 11), ang mga campaign materials na hindi susunod sa tamang sukat o ipinaskil ang mga ito sa mga hindi awtorisadong lugar o puwesto.
Binigyang-diin ni Garcia na laging magsasagawa ang mga local Comelec offices ng Operation Baklas, ang pagtatanggal ng mga sablay na campaign materials ng mga kandidato, ito ay upang masiguro na sumusunod sila sa size limitation at inilalagay ang mga ito sa mga pampublikong lugar na pinapayagan ng poll body. Gayunman aniya, ang mga private properties ay hindi nila puwedeng galawin.
Sinabi pa ng Comelec chairman na magpapatupad din sila ng mas mahigpit na panuntunan laban naman sa vote buying at vote selling. Dito aniya, maaaring mag-report ang mga mamamayan ng mga naturang insidente, kabilang ang mga larawan o video sa Committee on Kontra-Bigay.
Mainam nga siguro ang gagawin ng kinauukulan na habang maaga pa ay simulan nila ang pagbabaklas ng mga campaign materials na nakapaskil lamang sa kung saan-saan at sobrang laki pa.
Kadalasan kasi nakaka-destruct ang mga ito sa pagmamaneho ng ilang motorista, at aminin man natin o hindi ay talagang masakit sa mga mata, na nakakasilaw kung titingnan.
Isa pang dapat nating isipin, tatlong buwan mula ngayon o pagkatapos ng kampanyahan at eleksyon ay siguradong magiging mga basura na ang mga nasabing campaign materials at panibagong problema na naman iyan na ating haharapin.
Kaya sa mga kababayan nating kandidato, sana ay huwag namang pasaway. Sumunod na lang sana sa mga patakaran na ipinatutupad ng Comelec habang magpaskil ng mga campaign materials na puwede pang magamit o mai-recycle pagkatapos ng eleksyon.
Kumbaga, maging law-abiding citizen at mabuting ehemplo sana kayo sa mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments