Mga kandidato, manalangin at magnilay-nilay muna ngayong Holy Week
- BULGAR
- 3 days ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Apr. 15, 2025

Sa panahon ng Semana Santa, kasabay nito ang nalalapit na halalan, hindi maiwasang magsanib ang pananampalataya at pulitika sa isipan ng mga tao.
Habang ang iba’y abala sa pagninilay-nilay at paggunita sa sakripisyo ni Kristo, ang ilan nama’y tuloy pa rin sa pangangampanya at bitbit ang mga tarpulin at pangakong paulit-ulit nang naririnig.
Kahit abala ang mga kandidato sa pagkuha ng tiwala ng taumbayan, hindi rin dapat kalimutan ang respeto sa kultura, pananampalataya, at banal na tradisyon ng mga Pilipino.
Sa ating bansa, kung saan ang Mahal na Araw ay panahon ng pagbubulay-bulay, makatwiran bang marinig pa rin natin ang pangalan ng mga pulitiko sa gitna ng dasal at paggunita sa pagkamatay ni Hesu-Kristo?Sa isang panayam, binigyang-diin ni Atty. Dennis Ausan, regional director ng Commission on Elections (Comelec) sa Western Visayas, mahigpit na ipinagbabawal ang pangangampanya sa Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Ang anumang uri ng kampanya ay bawal at labag sa batas, at ituturing itong isang election offense na maaaring isampa laban sa sinumang kandidatong mapapatunayang lumabag.Pinayuhan naman ng Comelec ang publiko na maging mapagmatyag, at kung may mabatid silang lumabag sa batas ay hinihikayat silang magsampa ng reklamo.
Maaaring dumiretso sa pulisya o pinakamalapit na tanggapan ng Comelec. Ngunit paalala ng opisyal, na dapat ay may sapat at malinaw na ebidensya upang suportahan ang reklamo para umusad ito sa korte.Kaugnay nito, nagpaalala rin ang Department of Education (DepEd) Region 6 sa mga paaralan tungkol sa pag-iwas sa pamumulitika sa panahon ng moving-up at recognition ceremonies.
Ayon kay spokesperson ng DepEd-6, hindi dapat gawing partisan activity ang mga ito. Kung hindi maiwasang dumalo ang mga kandidato, kinakailangang munang humingi ng pahintulot sa Comelec. Habang palapit nang palapit ang halalan tiniyak ng Comelec na 100% nang handa ang kanilang hanay.
Maging ang Police Regional Office (PRO) 6 ay siniguro na sapat ang puwersang ipapakalat para maayos, mapayapa, at ligtas ang eleksyon. Sa huli, mahalagang mapaalalahanan ang mga kandidato na hindi lahat ng araw ay para sa pulitika. Gawin ding manalangin at magnilay-nilay sa ganitong panahon.
Sa mga sagradong araw tulad ng Semana Santa, mas nararapat ang pagninilay kaysa sa pagkuha ng suporta. Dapat magbigay ito ng respeto sa pananampalataya, batas, at pati sa damdamin ng mga mamamayan. Hindi mahalaga kung gaano kaingay ang iyong pangalan, kundi kung paano ipinapakita ang paggalang sa tamang panahon at maayos na paraan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments