ni Ryan Sison @Boses | Feb. 13, 2025
![Boses by Ryan Sison](https://static.wixstatic.com/media/2551ae_3122dd024e8a41dd8389e3259e0174e7~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_avif,quality_auto/2551ae_3122dd024e8a41dd8389e3259e0174e7~mv2.jpg)
Kasabay ng pagsisimula ng kampanyahan ng mga kandidato ay ang kabi-kabilang mga gastusin para sa mga pangangailangan nila gaya ng campaign materials bago pa ang mismong eleksyon.
Kaya naman mahigpit ang paalala ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga kandidato na sumunod sa mga tax rules o patakaran sa buwis hinggil sa kanilang paggastos sa kampanya gayundin ang mga kontribusyon na natatanggap mula sa mga supporter.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., kailangan o obligasyon ng mga kandidato para sa national at local positions na mag-isyu ng resibo sa mga magdo-donate sa kanilang ‘campaign kitty,’ at iba pang gastusin sa kampanya.
Sinabi ng opisyal na kailangan na mag-withhold tax ang mga kandidato sa kanilang mga ka-partner na supplier para sa mga campaign posters at advertisement nila. Ito ay upang aniya, masigurado na bayad ang buwis ng mga supplier.
Binigyang-diin din ni Lumagui na nakasaad sa Section 99 (B) ng National Internal Revenue (NIRC) of 1997, as amended, na kahit anumang kontribusyon na cash o in kind sa kaninumang kandidato, political parties o coalition of parties na gagamitin para sa pangangampanya ay kailangang nakapaloob sa ilalim ng Omnibus Election Code.
Giit ni Lumagui na ang isang kandidato na mabibigo na mag-isyu ng mga resibo ng buwis sa kanyang mga gastusin sa kampanya gayundin ang mga natanggap na donasyon ay paglabag sa tax at election rules. Subalit nakasalalay aniya, sa Commission on Elections (Comelec) kung anong parusa ang ipapataw sa mga lalabag sa tax rules sa panahon ng kampanya.
Mahalaga ang pagbabayad ng buwis at ito ang tungkulin ng bawat isa sa atin. Kaya para sa lahat ng mga kandidato, huwag sanang matigas ang ating ulo, dapat ay sumunod tayo sa ipinatutupad hinggil sa pagbubuwis sa gobyerno, lalo na ngayong panahon na ng kampanya.
Kung nais nating talagang makaupo sa puwesto ay hindi natin dapat ito kalimutan nang sa gayon ay hindi naman masira ang ating pinakaiingatang pangalan habang makapaglilingkod tayo nang husto sa mga mamamayan. Kumbaga, maging mabuting ehemplo tayo para sa lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments