top of page
Search
BULGAR

Mga kandidato, mag-espiya sa kalaban, isumbong ang paglabag — Comelec

ni Lolet Abania | March 28, 2022



Hinimok ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato na mag-espiya sa kanilang mga kalabang kandidato at i-report ang posible nitong election violations habang umiinit ang kampanyahan na mahigit isang buwan na lamang bago ang May 9 elections.


“Doon po sa magkakalaban, maganda po mag-monitoran kayo, maganda kayo mismo ang titingin, papansin sa mga kalaban n’yo sa posisyon at isumbong n’yo sa amin at ‘yan po ay aaksyunin namin,” sabi ni Comelec Commissioner George Garcia sa isang public briefing ngayong Lunes.


Ginawa ni Garcia ang pahayag matapos ang mga reports ng umano’y vote-buying na nagaganap sa mga campaign sorties, kung saan agad na bumuo ang Comelec ng isang inter-agency task force. Ayon kay Garcia, ang task force ay maaari na sariling mag-imbestiga kahit na walang mga complainants.


“Huwag po kayong mag-alala. Hindi po kami bingi at bulag sa mga ganyang realidad,” saad ng opisyal. Sinabi pa ni Garcia na ang poll body ay nagmo-monitor ng mga aktibidad ng mga kandidato sa social media.


“Akala siguro ng ibang kandidato hindi namin kayo namo-monitor kahit prior to the campaign period... Hahabulin namin kayo. ‘Yung mga may social media accounts kitang-kita may pa-raffle, may papremyo na ganito. Kami po sa Comelec ay naka-monitor,” diin ni Garcia.


Ini-report din ng opisyal na ilang insidente ng umano vote buying ay naisangguni na sa kanilang field personnel para sa malalimang imbestigasyon.


“Nagsimula na kaming mag-endorse sa aming mga field personnel upang sila mismo ay mag-submit ng mga reports sa amin. ‘Yung mga kababayan natin na may mabigat at credible na ebidensya sa vote buying, puwede n’yo pong isulat ‘yan sa amin sa Comelec law department,” paliwanag pa ni Garcia.


Nakasaad sa ilalim ng Omnibus Election Code, “giving, offering, or promising money or anything of value... in order to induce anyone or the public in general to vote for or against any candidate or withhold his vote in the election is prohibited.”


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page