ni Ryan Sison @Boses | Feb. 26, 2025

Para makilatis nang husto ang isang kandidatong nais maupo sa puwesto, magandang makita na lumahok siya sa mga debate at mailatag ang kanyang plataporma, pero paano kung tumanggi naman itong dumalo?
Batay sa Commission on Elections (Comelec), hindi mandatory ang partisipasyon ng mga national at local candidate sa mga debate sa halalan.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, ang pag-aatas sa mga kandidato na um-attend sa mga debate ay hindi pa ibinigay sa mga alituntunin nila dahil pinag-aaralan pa nila ang constitutionality nito.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi mag-oorganisa ang poll body ng mga debate para sa May 12 midterm elections. Aniya, ang nagsasagawa ng mga debate ay ang ibang mga grupo at organisasyon, kung saan nasa mga ito ang pagpapasya at ipinaubaya na nila ito sa kanila.
Gayunman, sinabi ng Comelec na dapat tiyakin ng mga organizer na ang lahat ng kandidato ay iniimbitahan na lumahok sa mga election debate.
Iginiit ni Garcia na walang kahit isang kandidato ay i-exclude o hindi isama. Lahat dapat ay imbitado.
Matatandaang naglabas ang Comelec ng mga guidelines kaugnay sa pagsasagawa ng mga debate sa telebisyon at radyo upang masiguro ang pagiging patas at neutrality nito.
Ipinunto pa ng Comelec na ang mga poll debate ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagtiyak ng isang matalinong botante.
Marahil, mismong mga kandidato na lamang ang magpursige na lumahok sa mga isinasagawang debate para makilala sila ng taumbayan, lalo’t hindi na ito mandatory.
Kumbaga, magkusa silang makipagbalitaktakan sa mga kapwa nila kandidato na napapanood sa TV o naririnig sa radio ng mga botante habang ilatag ang magagandang platapormang nais nilang mangyari para sa bayan.
Sa ganang akin, kung talagang gusto nilang magserbisyo o maglingkod sa taumbayan, dapat ay handa silang humarap kanino man o saan man habang kaya nilang maipaliwanag ang anumang isyu o mga problemang ibabato sa kanila, dahil sa ganitong paraan ay mababatid at matitiyak ng mamamayan kung karapat-dapat ba silang ihalal na lider ng ating bansa.
Paalala lang sa mga kababayan, huwag tayong papasilaw sa kasikatan lamang ng mga kandidato, kailangang piliing mabuti ang iluluklok natin sa puwesto.
Alamin din nating maigi kung may magandang track record at walang bahid ito ng kahit na anong korupsiyon habang isipin natin na may magagawang mabuti ang kandidatong ito para sa mamamayan at sa bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios